Abante Tonite Interactive

Kalusugan ay kayamanan

281

May kasabihan tayo na ang kalusugan ay isang malaking kayamanan na sobramg totoong-totoo dahil maraming mayaman ang napaka­lungkot ng buhay dahil sa dami ng sakit na nararamdaman.

Ang napakasakit pa, nalibot na nila halos ang buong mundo ngunit hindi nila mahanapan ng solusyon ang kanilang karamdaman at wala silang magawa sa ngayon kung hindi ang tanggapin ang katotohanan na hindi na sila gaga­ling.

Pero hindi naman agad napupunta sa malalang sitwasyon ang isang tao, dahil sa pagdaan niya sa kaniyang kabataan ay iba-ibang estilo ng pamumuhay ang kanilang pinagdadaanan.

At kung paano mo trinato ang iyong sarili ay ito rin ang aanihin mo pagtanda mo kaya makakabu­ting hangga’t bata ay huwag abusuhin ang katawan tulad ng ginagawa ng marami nating kababayan.

Kung medyo bata ka pa, napakagandang simulan ang malusog na pamumuhay ngunit kung may edad ka na, eh hindi pa naman huli ang lahat para simulan mong magbago at mabuhay ng malusog.

Narito ang ilang paraan para manati­ling malusog ang isang tao, maging dahilan para humaba ang buhay at manati­ling bata hindi lang sa pakiramdam kung hindi sa pisikal na kaanyuan.

Unang-una ay umiwas sa masamang bisyo, gaya ng sobrang alcohol, iligal na droga at sigarilyo ngunit ayon sa mga pag-aaral ang sigaril­yo ang pinakamalupit at masamang bisyo sa lahat.

Matindi rin ang droga ngunit karamihan sa drug addict ay tumitigil sa panahon ng pananawa at nakakarekober, hindi katulad ng nagsisigarilyo na patuloy ang pagtanda at pagpangit ngunit naninigarilyo pa rin.

Bukod sa age related illness gaya ng heart problem at diabetes ang patuloy na paninigarilyo hanggang sa edad na 40 pataas ay nakakabawas ng halos isang dekada ng buhay maging la­laki man ito o babae.

Ikalawang dapat na bantayan ay ang ating timbang, may sapat na timbang para sa ating height at ayon sa mga eksperto nakakaikli ng buhay kung sobra tayo sa timbang partikular ang mga matataba.

Stroke, sakit sa puso, diabetes at kanser ang inaasahang sakit ng isang sobrang taba na maaaring magtuloy din sa pagi­ging fatty liver disease at nagiging sanhi ng kamatayan.

Kailangan din ma­ging physically active para gumanda ang cardiovascular health at ang pag-eehersisyo tulad ng brisk walking o jogging ay regular na kailangan.

Balanseng pagkain tulad ng prutas, gulay at karne ay kailangan din, alamin ang mga nakakabuti at nakakasamang pagkain at lahat ng mga ‘yan ay available na online at hindi na mahirap hanapin kasabay nang pag-inom ng vitamins.

Umiwas sa stress, kapag stressed ang isang tao ay tumataas ang level ng cortisol, isang stress hormone na may kaugnayan sa cardiovascular conditions, depression at apektado ang paglaban ng ating katawan sa sakit.

Pinakamahinang epekto ng stress ay mabilis na pagpangit ng mukha, paghina ng mga desisyon at higit sa lahat ay nakamamatay ng wala sa takdang panahon.

Higit sa lahat kailangan natin na mag-relax, mag-enjoy at magkaroon ng social life dahil ang kaligayahan ang higit na nakakapagpahaba ng buhay kumpara sa lahat ng medikasyon sa buong mundo.

Kaya between health and happiness, happiness tayo!