Abante Tonite Interactive

Kalusugan ng Pangulo mahalaga sa bayan

MAGDALO

By
242

Kasama ako sa mga Pilipino na hangad ang maayos na kalusugan para sa Pangulo. Ito ay para magampanan niya ng maayos ang trabaho at hindi mawala sa kanyang atensyon ang mga problemang kinakaharap ng ating bansa.

Ang mga tao kapag nagkakasakit, pansamantalang nawawala ang kanilang atensyon sa kanilang bahay at pamilya dahil ang u­nang haharapin ay ang kanyang kalusu­gan. Walang ipinagkaiba ito sa isang Pangulo na kapag nagkasakit ay maaaring hindi magampanan ang kanyang trabaho.

Sa isang bahay, kapag may karamdaman ang ama ng tahanan kailangang ipaalam niya ito sa miyembro ng kanyang pamilya dahil kung hindi, walang gaganap sa kaniyang tungkulin na pansamantalang mapapabayaan habang siya ay nagpapagaling sa kanyang karamdaman.

Abante Hiring – IT dep

Kung ginagawa ito sa loob ng isang tahanan, mas lalong dapat gawin ito ng Pangulong may karamdaman. Kaya naman nakalagay rin sa ating Konstitusyon na dapat ipaalam ng Pangulo ang estado ng kanyang kalusugan sa publiko dahil hindi biro ang responsibilidad na nakaatang sa kanya bilang lider ng bansa.

Tungkulin ng pa­ngulo na ipaalam sa sambayanan ang tunay na estado ng kanyang kalusugan dahil nakataya dito ang national security ng bansa. Araw-araw ay may mga mahahalagang desisyon na ginagawa ang isang pangulo. Hindi pupuwedeng ipaubaya lamang paggawa ng mga importanteng desisyon at pagpapatakbo ng gobyerno sa kanyang gabinete.
Matagal nang pinagduduhan ang estado ng kalusugan ni Pangulong Duterte. Hindi pa nakakatulong ang magkakaibang paha­yag at pagsisinunga­ling ng mga opisyal ng admi­nistrasyon ukol sa isyung ito. Nakikita lang ng sambayanan kung paano pilit itinatago ng administrasyong ang katotohanan.

Ngayon mismong si Duterte na ang umamin na pumunta siya sa Cardinal Santos Hospital para magpa-check-up, marapat lamang na maglabas na ang Malacañang ng regular na medical bulletin para malaman ng mga Pilipino kung talagang kaya pa niyang gampanan ang kanyang tungkulin bilang pangulo.

Huwag na sanang muling tangkain pa ng mga opisyales ni Duterte na itago ang katotohanan hinggil sa kanyang kalusugan dahil ika nga, “walang sikretong hindi nabubunyag”. Ang pagsisinungaling hinggil sa kalusugan ng Pangulo ay maituturing na panloloko sa taumbayan.