Abante Tonite Interactive

Kamandag ng ‘gin bulag’

727

Julius Segovia

julius-segovia

Balita ngayon ang pagkamatay ng isang babae at pagka-ospital ng isa pa dahil umano sa metha­nol poisoning mula sa pag-inom ng gin na hindi pa aprubadong ibenta sa merkado.

Matatandaang nitong Disyembre 2018, nakapagtala ang Food and Drugs Administration o FDA ng 21 patay sa methanol poisoning sa lambanog.

Ayon kay Dr. Chen Lim, Pilipinong doktor ng Doctors Without Borders/Medecins Sans Frontieres (MSF) na eksperto sa methanol poisoning, dekada 90 nang nagkaroon din ng maramihang biktima ng methanol poisoning sa Pilipinas dahil sa pag-inom ng gin. Ito nga raw ang dahilan kaya sumikat ang katagang “gin bulag.”

Paliwanag ni Dr. Lim sa kanyang panayam sa DWIZ kamakailan, permanenteng pagkabulag o kaya naman ay paglabo ng paningin ang sintomas ng methanol poisoning. Bukod dito, sintomas din ang pagsakit ng tiyan, pagkahilo, pagsusuka, sakit ng ulo, at pagkawala ng malay.

Oras na maramdaman ang mga ito matapos ang anim hanggang labinda­lawang oras mula nang makipag-taga­yan, pumunta agad sa ospital. Mahalagang tandaan na hindi agad tumatama ang pagkalason sa methanol at hindi ito katulad ng hang-over na nawawala rin kapag naitulog na.

Sa madaling salita, kung masama pa rin ang inyong pakiramdam kahit kalahating araw na ang lumipas matapos ang inuman, at kung nanlalabo ang inyong paningin, sumugod agad sa ospital.

Nangyayari ang methanol poisoning dahil sa paghahalo ng kemikal na metha­nol sa ethanol. Ang ethanol ang karaniwang sangkap sa paggawa ng alak. Pero ilang negosyante ang naghahalo pa ng methanol para kumita nang mas malaki.

Ang magandang balita, hindi kailangang lumayo para humanap ng aga­rang pangontra sa methanol. Ayon kay Dr. Lim, ethanol din ang panlaban sa methanol oras na nilalason na nito ang katawan.

Kaya kung makaramdam ng sintomas at malayo pa kayo sa ospital, payo ni Dr. Lim, uminom muna ulit ng alak na tiyak na may ethanol. Pinababagal kasi ng ethanol ang pagtalab ng metha­nol sa katawan bilang lason.

Samakatuwid, kayang dugtungan muna ng ethanol ang buhay ng pas­yente hanggang makarating sa ospital para mabigyan ng mga gamot at maisailalim sa dialysis. Dialysis lang din kasi ang paraan para alisin ang metha­nol sa katawan ng pasyente.