Abante Tonite Interactive

Kamandag ng selos: GF kinatay

379

Pinaniniwalaang dahil sa selos kaya pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang babae ng umano’y boyfriend nito nang magtalo matapos na mag-inuman sa ginagawang gusali sa Quezon City, nitong Linggo nang madaling-araw.

Batay sa inisyal na ulat ng pulisya nakilala lamang ang biktima sa alyas na ‘Angel’, nasa pagitan ng edad 25-30, nakasuot ng violet t-shirt at maong short pants.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nadiskubre ang duguang bangkay ng biktima na tadtad ng saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa harapan ng ginagawang gusali sa No. 16 Engineer St., malapit sa kanto ng Benefits, Brgy. Sangandaan, bandang alas-3:50 nang mada­ling-araw.

Una dito, huling nakitang buhay ang biktima na nakikipag-inuman umano sa kanyang boyfriend na nakilalang si Philip Bangalisan, tubong-Masbate, at stay-in caretaker sa nabanggit na ginagawang gusali, dakong alas-sais nang gabi nitong Sabado, kasama ang isa pang obrero na isang Dindo Cilla.

Pasado ala-una ng madaling-araw nang matapos ang inuman ay narinig na nagtatalo ang magkasintahan, subalit hindi na umano ito pinakialaman ni Cilla at natulog na siya dahil sa kalasingan.

Nasamsam sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang isang kutsil­yo na may habang 10 pulgada at may bahid ng dugo na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa biktima.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang boyfriend ng biktima. (Dolly Cabreza)