Abante Tonite Interactive

Kamara may minority leader na pero…

191

Tinapos na kahapon ang kontrobersyal na agawan sa liderato ng minor­ya sa Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso.

Inihalal bilang bagong Minority leader si Quezon Rep. Danilo Suarez. Sa botong 22 ay nanalo si Suarez.

Ginanap ang botohan pasado alas-10:00 ng umaga kahapon.

Tatlo ang nag-abstain na kinabibilangan nina Isabela Rep. Ma. Lourdes Aggabao, AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin at Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe.

Mula sa 39 na hindi bumoto kay Speaker Pantaleon Alvarez ay umaabot sa 25 ang du­malo sa selection process para sa lider ng minorya.

Hindi naman dumalo ang grupo ni Ifugao Cong. Teddy Baguilat sa isinagawang proseso ng pagpili ng bagong lider ng minorya.

Kaugnay nito ay tatayo bilang Independent Minority sa Kamara ang grupo nina Albay Cong. Edcel Lagman at Baguilat.

Ang independent minority ay binubuo nga­yon ng walong kongresista kabilang sina Baguilat, Lagman, Magdalo Rep. Gary Alejano, Northern Samar Cong. Raul Daza, Akbayan Rep. Tom Villarin, 1Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta at Caloocan Cong. Edgar Erice.

Ayon kay Baguilat, ang kanilang grupo ang magsisilbing konsensya ng Kamara ngayon. Wala aniyang moral ascendancy si Suarez na sabihin na ito ang minority leader.

Nabatid pa na tatakbo sa Korte Suprema ang tinaguriang ‘Legitimate 8’ sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang magdesisyon kung sino kina Baguilat at Suarez ang tunay ng Minority Leader.

Sa press conference ng Legitimate 8 na pinamumunuan ni Baguilat, wala silang magagawa kundi hayaan ang Korte Sup­rema na magpasya kung sino ang tunay na Minority Leader matapos hindi kilalanin ang kanilang grupo na nanalo sa botohan noong Lunes.

“I think it’s an obligation on our part to question in the Supreme court etong nangyaring ito,” pahayag naman ni Erice.