Abante Tonite Interactive

Kamatayan lumabas sa baraha

320

Mga ka-Misteryo, may nagbasa na ba sa kapalaran niyo at lumabas ang larawan ni Kamatayan? Natakot ba kayo? Kinabahan ba kayo na baka bigla kayo mamatay?”

‘Yan ang ating paksa ngayon: ‘Basta may Misteryo, alamin ang Totoo!’
Nakatuwaan nina Lorna at Gemma ang tarot cards ng kaibigan nila para gamitin sa kanilang paglalaro.

Nagkasundo silang gawin ang ‘bunot mo, baraha mo, kapalaran mo’ na sila lang ang nag-imbento para malaman kung susuwertihin sila sa bagong taon 2020.

Binalasa nilang dalawa ang 78 ta­rot cards, hinati sa tatlong bahagi at saka pinagsama-sama para salitan nilang bunutin isa-isa.

Napuno ng tawanan ang silid ni Lorna sa ginagawa ni Gemma at sinamantala nila habang wala ang kaibigan nilang si Ada.

Nang biglang mabunot ni Gemma ang larawan ni Kamatayan, siya ay kinabahan. Tinanong niya si Lorna kung sa palagay ba niya ay masama ang mensahe para sa kanya.

Maging si Lorna ay natakot sa nabunot na tarot card ni Gemma dahil para sa kanya matinding babala ito sa kaibigan. Napaiyak pa siya at nagsisi kung bakit nagkatuwaan sila na gamitin ang tarot cards ni Ada.

Sumangguni sa #TeamMisteryo si Lorna at tinanong kung masama ba talaga ang imahe ng Kamatayan sa tarot cards.

Lorna: “Sinabi na sa amin ni Ada na ‘wag kaming mag-alala dahil hindi naman direktang kamatayan ng tao ang kahulugan ng Kamata­yan sa tarot cards. Pero takot pa rin kami ni Gemma lalo na ako kasi pinakialaman namin ‘yung tarot cards.”

Team Misteryo: “Sa aming pananaliksik hindi literal na Kamata­yan ang kahulugan ng imahe kundi isang mensahe na parte ng sinuman ang kailangan mamatay, maaaring ugali, bisyo, masamang ginagawa na kailangang matigil na.

Lorna: “Ganu’n po ba ‘yun? Pero kahit anupaman po kahulugan nun mas mabuti pa rin na mag-ingat ‘di po ba?

Team Misteryo: “Oo naman dapat mag-ingat. Wala ring pinagkaiba ‘yan sa mga imahe ng diablo o demonyo sa tarot cards na hindi rin literal ang kahulugan. Maaaring pinag-iingat sa masamang balak ng ibang tao o ‘di man kaya ay ‘wag maging masama o maging demonyo sa kapwa.”

***

Para sa inyong mga kuwentong karanasan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang website: www.reytsibayan.com at abante.com.ph.