Abante Tonite Interactive

Kamatayang nasilip sa lente ng kamera

340

Makaraan lamang ang isang taon, isinilang naman ni Arlene ang pangalawa nilang anak na lalaki na si Andrew kaya’t lalu pang umusbong ang kaligayahan sa kanilang pamilya.

Bagama’t tapos ng Electronic Communication Engineer si Buboy, hindi na siya nagtangka pang kumuha ng board examination dahil sapat ang kanyang kinikita bilang magaling na freelance photographer/video­grapher na noon pa man ay hinangaan na ni Arlene sa kanya.

Mistulang naging inspirasyon sa mag-asawa ang kanilang mga anak na sina Reynalynne at Andrew upang magsikap nang husto kaya’t hindi nawawalan ng parokyano si Buboy habang isang mayamang ginang naman ang kumuha kay ­Arlene bilang kanyang private nurse.

Nang makaipon ng sapat ang mag-asawa, nagpasya silang magpatayo ng kanilang sariling tahanan na hindi rin kalayuan sa bahay ng mga magulang ni Buboy sa Tuna Street na nagsilbing pugad ng kanilang pagmamahalan, kapiling ang dalawa nilang anak.

Ipinakita ni Buboy ang pagiging ulirang ama sa dalawa niyang anak sa pamamagitan ng paghahatid at pagsundo sa mga ito sa kanilang pinapasukang paaralan at kadalasan ay dina­dalhan pa ng bagong lutong pagkain ang mga bata upang matiyak ang nutrisyon sa kanilang kalusugan.

Sa kabila ng maayos nilang pamumuhay, hindi nakaligtas sa kaalaman ni Buboy ang hindi magandang sitwasyon ng katahimikan at kaayusan sa kanilang lugar kaya’t sa pagnanais niyang makatulong sa kanilang barangay, minabuti niyang tumakbo bilang kagawad noong 2002 barangay elections.

Batid ni Arlene ang posibleng magiging panganib na kakaharapin ng kanyang asawa kung sakali at maluklok bilang kagawad ­subalit ipinaliwanag sa kanya ng mister na para rin sa kinabukasan ng kanilang dalawang anak ang ­pagkakaloob niya ng tulong sa kanilang ­barangay.

Hindi kasi maikakaila ang mabilis na pag-unlad ng kabuhayan at paglago ng mga negosyo sa pangunahing lansangan ng J.P. Rizal na daan patungo sa kanilang barangay kaya’t kaalinsabay din ito ang paglobo ng bilang ng mga masasamang elemento ng lipunan na ang ta­nging hangad ay kamkamin sa dahas, mabilisan at kahit anong paraan ang pag-aari ng iba.

Sa pahayag nga ng nakababatang kapatid ni Buboy na si Rosario Dagsa sa TUGIS, halos araw-araw noon ay may nagaganap na kaguluhan, nakawan, panghoholdap at panghahablot sa kanilang lugar na kakagawan ng mga pasaway na kalalakihan.

May insidente aniya na habang may okasyon ang kanilang pamilya ay biglang may nagwala sa harapan ng kanilang bahay na armado ng itak at sa pamamagitan ng diplomasya ay napaliwanagan naman ng kanyang kuya Buboy hanggang matigil ang kaguluhan.