Abante Tonite Interactive

Kamay na bakal ramdam na!

584

Kung dati ay paisa-isa ang sinisibak sa puwesto dahil sa katiwalian o nakagawa ng iregularidad, ngayon ay maramihan na kung kalusin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal at tauhan ng gobyerno na sangkot sa korapsiyon.

Kagaya na lamang ng 64 na mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) na inilagay ng Pangulo sa floating status nitong nakalipas na linggo dahil sa hindi malutas-lutas na pro-blema sa katiwalian sa ahensiya.

Bagamat hindi pa isinasapubliko ang mga pangalan, hindi na pinag-report sa kanilang trabaho ang 64 na mga kawani ng BOC matapos makarating kay Pangulong Duterte ang ginagawa ng mga ito.

Nauna nang sinibak ng Presidente ang apat na matataas na opisyal ng ahensiya at isinunod ang 64 na mga kawani.

Galit si Pangulong Duterte sa kanyang mga talumpati kapag nababanggit ang isyu ng korapsiyon at hindi aniya ito titigil hangga’t hindi nalilinis ang burukrasya sa kalokohan at matagal ng sistema ng ilang mga tiwali at ganid sa salapi.

Kalimitang nagiging isyu ng korapsiyon sa BOC ang mga pinapalusot na mga kargamento na kung dati-rati ay mga maliliit na mga bagay lang, ngayon ay milyon at bilyong piso na ang halaga.

Hindi naman masasabing iisa o dalawang opisyal at tauhan lang ang nakikinabang dahil tila nakaugat na sa sistema ng Aduana ang problema ng korapsiyon.

Nagiging gatasan ang ahensiya ng mga tiwali at hindi lang iisa o dalawang beses na mayroong nabalita kung gaano kagarbo ang buhay ng ilang nagtatrabaho sa BOC.

Maski ordinaryong guwardiya ay mayroon umanong malaking halaga sa bank account habang ang isang ordinaryong kawani ay mayroong mamahaling sports car. Only in the Philippines!

Ang dati kong kaklase at kababayan na dating nagtrabaho sa ahensiya bilang isang ordinaryong kawani ay nakapagpatayo ng malaki at magarang bahay at nagka-kotse rin gayong wala namang ibang trabaho at negosyo.

Pero tiyak na hindi na uubra kung ano man ang diskarte ngayon ng mga tiwali sa ilalim ng Duterte administration dahil sersoyo at desidido ang Presidente na linisin ang ahensiyang tinawag nitong “pugad ng katiwalian”.

Ayon pa sa Pangulo, hindi siya titigil sa kanyang kampanya kontra katiwalian hanggang sa matapos ang kanyang termino kaya may mahigit dalawang taon pang penitensiya ang mga taga-gobyerno na sanay mabuhay sa kapritso at kariwasaan mula sa illegal na paraan.

Sige lang, magpakabusog kayo dahil kapag natamaan at nadaganan kayo ng kamay na bakal ay tiyak katapusan na ninyo!