Abante Tonite Interactive

Kamayan, beso-besohan bawal muna sa mga atleta

156

TURNING POINT
Ramil D. Cruz

TAMA ang hakbang ng Philippine Badminton Association sa tagubilin sa mga shuttlecocker o shuttler na kalahok sa 2020 Badminton Asia Mens and Womens Team Championships na magsisimula ngayon, na huwag munang magkamayan o beso-besohan kada simula at tapos ng bawat laban dahil sa 2019 novel Corona Virus o nCov.

Hakbang ito para maiiwas ang mga badminton player at official na mga kasali sa anim na torneong tatagal sa Pebrero 16 o Linggo sa Rizal Memorial Coliseum o Rizal Memorial Stadium ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.

Tinatawagan ng pansin ng TP sina Philippine Sports Commission Chairman William Ramirez at Philippine Olympic Committee President Abraham Tolentino na iparating na rin nila ang hakbang ng PBA sa lahat ng mga manlalaro ng bawat national sports association.

Pati na rin sa mga kawani ng kanilang mga tanggapan sa RMSC, Teacher’s Camp sa Baguio at sa PhilSports Complex sa Pasig.

Hanggang tinitipa ko po kagabi ang pitak na ito, halos 1,000 na ang mga kinitilan ng buhay at mahigit 40,000 na ang hinawahan ng ng nasabing karamdaman sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nagbuhat sa Wuhan, China ang virus.

Kaya marapat lang na triple o lahat nang pag-iingat gawin na nating lahat. Kasama rin ang palaging paghuhugas ng mga kamay o mag-disinfetant ng sanitizer o alcohol.

Ang Philippine Basketball Association, sa kanilang parte naman nito ring Lunes, iniurong na ang mga pagbubukas ng Philippine Cup at D-League Aspirants Cup bilang pakikiisa na maiiwas din ang kanilang mga basketbolista sa sakit.

Tinatawagan din natin ang mga lokal na pamahalaan na kumilos sa kanilang mga nasasakupanpara maiwasan ang pagkalat ng virus o pagkahawa pa sa iba nating mga kababayan. Huwag kayong nariyan lang sa opisina ninyo maghapon at naghihintay palagi ng mga regalo.

Labas-labas din ‘pag may time.
***
Kung gusto po ninyong mag-reaksyon o nais itanong, mag-email lang po sa ramilcruz2003@gmail.com at ramilcruz2003@yahoo.com.
Hanggang sa susunod pong Martes. God bless us all!