Abante Tonite Interactive

Kambal-bagyo magpapaulan sa Northern Luzon

291

Patuloy na makararanas ng katamtaman hanggang malalakas na pag-uulan sa loob ng 24-oras ang malaking bahagi ng Luzon dahil sa bagyong Ramon at Sarah na nasa loob ng bansa.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa) humina na ang bagyong Ramon matapos itong mag-landfall sa Cagayan habang mas lumakas naman ang bagyong Sarah kung saan ilang lugar ang inilagay na sa storm signal No. 1.

Ang sentro ng bagyong Ramon ay namataan na sa may Roxas, Isabela, taglay ang hangin na 55 kph at pagbugso na 90 kph, kumikilos ito ng 20 kph pa-timog timog-kanluran.

Sinabi ng Pagasa na mas hihina pa ang bagyong Ramon at posibleng maging isang low pressure area na lamang bago tuluyang lumabas ng Philipine Area of Responsibility.

Tinanggal na rin ang storm signal No. 2 at Signal No. 1 na lang sa Batanes, Cagayan, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte at Ilocos Sur, kanlurang bahagi ng Isabela (Quezon, Mallig, Quirino, Roxas, San Manuel, Burgos, Aurora, Reina Mercedes, Luna, Cabatuan, San Mateo, Cauayan, Ramon, Alicia, Angadanan, San Isidro, Santiago at Cordon), Mountain Province, Benguet, Ifugao, La Union at Pangasinan.

Samantala mas lumakas ang bagyong Sarah at isa na itong tropical storm, na nasa layong 640 km silangan ng Casiguran, Aurora, may lakas ng hanging 65 kph; bugso na 80 kph at kumikilos ng 20 kph pa-hilaga hilagang-kanluran. (Tina Mendoza)

Tonite – Wendys Inhouse Ad