Abante Tonite Interactive

Kambal, kaklase hinigop ng alon

0 151

Nawawala ang magkapa­tid na kambal at ang isa pa nilang kaklase matapos ang mga itong tangayin ng malalaking alon habang naliligo sa baybaying dagat ng Barangay Sta Rosa, Mulanay, Quezon noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ng Mulanay police ang mga biktimang sina Jamewill at Jaymar Buesan, kapwa 15-anyos at ang kaklase nilang si Edgar Paz Devilla, kapwa mga senior high school student sa Bondoc Peninsula Agricultural High School sa naturang bayan.

Nasagip naman ng rescue team ng Mulanay PNP at MDRRMO ang dalawa pang kasama ng mga ito na sina Richard Rapia at Roiel Remo.

Sa imbestigasyon, nagkayayaan umano ang lima na maligo sa dagat subalit bandang alas-10:30 ay nawala na ang lima sa baybayin.

Malalaki umano ang alon at malakas ang agos kaya natangay ang mga ito at tuluyang lumubog.

Kaagad namang nasagip ang dalawa at naisugod sa ospital at ngayon ay nasa ligtas ng kalagayan.

Patuloy namang pinaghahanap ang tatlo pa. (Ronilo Dagos)