Abante Tonite Interactive

Kambal na kotse sa N. Ecija

30

SAN ANTONIO, Nueva Ecija — Hiniling ni Mayor Arvin Salonga na magsagawa ng puspusang imbestigasyon ukol sa dalawang Toyota Vios na magkapareho ang kulay, conduction sticker, at plaka na nahuli rito at sa Cabanatuan kamakailan.

Ang unang kotse na may bangga sa likuran ay nahuli nina P/Chief Inspector Marlon Cudal sakay ang naarestong dalawang gun-for-hire noong ­Hulyo 31 sa Brgy. Poblacion dito kasama ang tatlong baril, mga bala, granada, at mga patalim.

Ayon sa mga naarestong sina Ruelito Olaso Roxas at Alex Aldovino Panganiban, inamin nilang target nilang itumba si San Antonio ­Mayor Arvin Salonga.

Binanggit din umano ng dalawa na sila ay kinon­trata ni incumbent San Antonio ­Councilor Renan Morales, at ipinagamit umano ang ­naturang kotse na may plakang VG 0555.

Nitong Huwebes ng hapon naman ay nasabat ng Provincial Highway Patrol Team (PHPT) ang ikalawang kotse na tugma rin sa brand, kulay, plaka, at conduction sticker ng unang kotseng galing kay Morales.

Sa imbestigasyon ni P/Sr. Inspector Arnel Esguerra, PHPT leader, nakarehistro umano ito sa isang Enrico E. Ranara, residente ng #101 Don Bosco St., Betterliving Subd., Don Bosco, Parañaque City.

Minamaneho ang kotse ni Eliseo Romano Munsayac, residente ng 213 Prk. 5, Brgy. San ­Fernando Norte, Cabiao, Nueva Ecija. (Jojo de Guzman)