Abante Tonite
Mabilis sa Balita

`Kamoteng’ driver sampolan

0 159

Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso na dagdagan pa ang parusang ipinapataw laban sa mga `kamote’ driver na pasaway o lumalabag sa batas trapiko.

Inihayag ito ni Senate President Vicente `Tito’ Sotto III sa panayam sa kanya sa radyo kung saan ibinahagi nito ang napag-usapan sa pagpupulong nila ni Pangulong Duterte kamakailan lamang.

Sabi ni Sotto, kabilang sa napag-usapan nila ang nais ng Pangulo na bigatan pa ang parusa laban sa mga driver na traffic violator.

“`Yong mga nakakasakit bigatan ang penalty. `Yon ang naging takbo ng usapan namin,” ani Sotto.

Dagdag pa ni Sotto, ang mungkahi umano ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson ay isamang parusahan ang operator ng `kamote’ driver dahil may responsibilidad din ang mga ito kapag nasangkot sa aksidente ang kanilang sasakyan.

“Panagutin kasi ang nangyayari sabihin nung driver eh walang preno,” ayon pa sa senador.

Subalit sa ngayon aniya ay pag-aaralan muna nila kung ano ang puwedeng gawin sa nais mangyari ni Pangulong Duterte na bigatan ang parusa sa mga pasaway sa kalsada.

Dagdag pa ni Sotto na target nila bago mag-break ang Kongreso sa Oktubre ay pasado na lahat ng batas na hinihingi ng Pangulo.

Binansagan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic operations chief Bong Nebrija bilang `kamote driver’ ang mga motoristang pasaway sa mga batas trapiko.

Leave A Reply

Your email address will not be published.