Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kampanya ni Poe vs mga peke, depektibong LPG

0 92

Malapit na ang buwan ng Marso at muli na namang aarangkada ang kampanya ng Bureau of Fire Protection dahil sa Fire Prevention Month. Sa buwan na ito kasi umaakyat ang mga insidente ng sunog sa bansa.

Sa record ng BFP, ang tatlong pangunahing dahilan ng sunog ay faulty electrical wiring, naiwang upos ng sigarilyo at apoy mula sa kalan o kaya ay leak sa liquefied petroleum gas (LPG). Kaya ang payo ng mga awtoridad, maglagay ng smoke alarm at fire extinguisher sa loob ng bahay.

Sa panahon ng pandemya, dagdag gastos pa ang pagbili ng smoke alarm at fire extinguisher kaya marami sa ating kababayan ay todo pag-iingat na lang upang hindi masunugan ng bahay. Eh paano kung ang nabili pala niyang LPG ay peke o depektibo at siyang pinagmulan ng sunog ng kanilang bahay?

Noong 2012, iniulat na lima sa bawat sampung LPG ay peke. Ewan ko lang kung ganito pa rin ang ratio ngayong 2021 pero ganunpaman ay nakakabahala ang ganitong datos.

Kaya naman si Senadora Grace Poe, agad na kinalampag ang Department of Energy upang gumawa ng aksyon laban sa mga tiwaling negosyante na nagbebenta ng pekeng LPG na kalimitan ay maliliit na mamimili ang nabibiktima.

Sabi ni Poe, naglipana ngayon sa merkado ang mga depektibong tangke ng LPG. Sinisisi ng senadora ang mga tiwaling negosyante na tila walang pakialam kung anong kapahamakan ang maaaring mangyari sa mga tahanan na gumagamit ng mga pekeng produkto.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Dinagsa ng liham ang tanggapan ng senadora, karamihan ay nagrereklamo na kulang sa 11 kilo ang nabili nilang LPG, kalawangin ang tangke at madalas ay walang brand ang dinedeliber sa kanila. Ang masakit nito, peke na nga ay mataas pa ang presyo ng LPG.

Bilang chairperson ng Senate committee on public services, kinalampag ni Poe ang DOE at Department of Trade and Industry(DTI) para imbestigahan ang panloloko ng mga salbaheng negosyante.

Nagbigay rin ng payo si Poe sa mga consumer na maging maingat at mapanuri sa binibili nilang LPG. Dapat na sinusuri kung tama ang safety cap seal na may serial number na nakakabit sa bawat cylinder at meron din dapat iniisyung official receipt sa biniling LPG.

Masuwerte pa rin ang DOE at nakatuon ang atensyon ngayon ng publiko sa Department of Agriculture dahil sa pagtaas ng presyo ng baboy at manok sa pamilihan. Pero hindi pa rin makakaligtas ang DOE kay Poe dahil palaging nakabantay ang senadora para matiyak ang kapakanan ng publiko.

Leave A Reply

Your email address will not be published.