Abante Tonite Interactive

Kampanya sa pederalismo pinalakas sa buong bansa

200

Naglunsad ng isang malawakang kampanya ukol sa pede­ralismo sa lahat ng sektor ng lipunan sa buong bansa, lalong-lalo na para sa hanay ng mga mara­lita, tungo sa mas ikauunlad ng Pilipinas.

Sa ginanap na pulong balitaan sa Quezon City, ipinahayag ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) secretary general Thompson Lantion ang paglulunsad ng isang “intense massive information campaign” upang bigyan ng sapat na kaalaman at edukasyon ang bawat Pilipino na ang pede­ralismo ay ang solusyon sa problema ng Pilipinas.

“Ang bansa natin ay mayaman at nabiyayaan ng likas na yaman at yaman tao. Ngunit bakit higit na mas nakararami sa ating mga Pilipino ay nananatiling miserable ang pamumuhay at nagdurusa sa kahirapan?

“May kaugnayan ba ang hindi pantay-pantay na pagbabahagi ng mapagkukunan ng kayama­nan at yaman ng pamahalaan sa suliranin ng kahirapan?
“Mayroon nga bang pantay-pantay ng paghahati-hati ng yaman mula sa ating national at lokal na pamahalaan sa ngayon? Ito bang pederalismo o maging ang ating Konstitusyon ang susi sa sukdulang paglaya natin sa walang katapusang kahirapan?” tanong ni Lantion.

Isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan patungo sa pederalismo upang lalong payabungin at palaguin ang bawat rehiyon, lalong-lalo na sa bahagi ng Mindanao.

Ayon sa pag-aaral ng Legatum Institute’s 2018 Prosperity Index, nakakaraming nakasama sa listahan ng mga mayayaman at maunlad na mga bansa sa buong mundo ay ang mga bansa na nasailalim ng pamamalakad ng pederalismo.

“Maglulunsad ang ating national organization sa rehiyon, lalawigan, munisipyo at hanggang sa barangay level ng malawakang PFP campaign. Kaya naman kami ay nananawagan sa ating mga kababayan na simulan na ang diskusyon ukol sa pederalismo. Panahon na upang tayong lahat ay makialam sa usaping ito,” saad ni Lantion.