Abante Tonite Interactive

Kampanya sa social media

By
268

Ilang araw nang umaarangkada ang panahon ng kampanya para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections kaya naman maging ang timeline ng bawat Facebook user ay puno na ng mga election material.

Sa traditional na kampanya, maraming patakarang inilabas ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa size ng mga paraphernalia gayundin ang mga dapat lamang paglagyan ng mga ito.

Bagama’t kabilaan na rin ang paalala hinggil sa mga polisiyang ito, mukhang marami naman ang hindi tumatalima partikular sa laki ng campaign posters at common poster area.

Sabi nga ni Mang Turo, kung mahigpit lamang ang implementasyon ng polisiya ay tiyak na marami ang madi-disqualify.
Pero dahil sa hirap din namang maghain pa ng reklamo sa Comelec at marami ring butas ang batas, aba marami ang malakas ang loob na gawin ang nais nila kahit labag na sa mga polisiya.

Kung sa traditional campaign ay nagagawa ng mga kandidato ang nais nila, lalo na pagdating sa social media kung saan inamin na rin ng Comelec na wala pa silang polisiya sa paggamit nito sa kampanya.

Sinasamantala na ng marami ang libreng wall sa Facebook upang i-post ang kani-kanilang propaganda habang ‘yung iba nga ay sa social media na rin idinadaan ang kanilang survey o pagpupulso kung mananalo o hindi.

Hindi nga naman kasi sakop sa airtime policy o publication policy ang social media kaya dito ang takbo ng marami.
Ang nakakatakot lang, baka magamit din ang social media sa iba’t ibang kalokohan ng mga ibang kandidato kaya siguro panahon na para pag-isipan na rin ng Comelec kung posibleng sakupin din nila ito ng kanilang mga patakaran.

Anuman ang gamit sa kampanya, sana naman matuto ang mga kandidato na maglinis matapos ang campaign period upang patuna­yan na sila mismo ay disiplinado.