Abante Tonite Interactive

Kandidato pa rin ako — Edu Manzano

350

Nanindigan ang aktor na si Edu Manzano na kandidato pa rin sa pagka-kongresista ng San Juan City sa kabila ng inilabas na desisyon ng Commission on Elections (Comelec) Second Division na nagdi-disqualify sa kanyang kandidatura dahil sa isyu ng citizenship.

Sa press conference sa Greenhills, San Juan kahapon, kasama ang abogadong si Atty. Sixto Brillantes, sinabi ni Manzano na tuloy ang kanyang pagtakbo bilang congressman.

“I am not disqualified. Kandidato pa rin ako. May name is still in the ballot. I can still be voted­ on. And my votes will still be counted,” pahayag ni Manzano.

Ipinaliwanag rin ni Manzano na luma na ang isyu at dati nang nagdesisyon ang Supreme Court (SC) na isa siyang Filipino citizen, at hindi aniya ito maaaring baguhin ang desisyon ng dalawang commissioner lamang ng Second Division ng Come­lec noong Mayo 6.

Sinabi naman ni Brillantes na kahit may desis­yon na ang SC sa isyu ay maghahain pa rin sila ng apela o motion for reconsideration sa kaso, maaaring ngayong araw, Huwebes, hanggang bukas, Biyernes.

Sa pagtaya ni Brillantes, ang desisyon sa kanilang apela ay maaaring mailabas ng Comelec en banc ilang buwan pa matapos ang halalan, at muli naman itong aabot sa SC, na dati nang nagdesisyon na si Manzano ay isang Pinoy. (Edwin Balasa)