Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kandidatong bibigay sa pakulo ng CPP-NPA, binalaan ng NTF-ELCAC

0 42

Namimiligrong madiskwalipika ang mga kandidato, nasyunal man o lokal kung bibigay sila sa ‘permit-to-win’ (PTW) at ‘permit to campaign’ (PTC) ng mga komunistang-terorista.

Paalala ito ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kahapon sa anila’y ipinatutupad ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), tuwing halalan upang magkamal ng pondong panlaban sa pamahalaan.

Subalit, idineklara na kamakailan ng Commission on Elections (Comelec) na `iligal’ ang gawaing ito.

Nasasaad sa Comelec Resolution No. 22-0179, na ang ganitong paraan ng mga kandidato ay itinuturing na ‘vote buying’ at pamimilit sa mga botante o ‘voter coercion’. Isang malaking paglabag sa halalan na pinarurusahan sa ilalim ng Section 261 (a) at (e) ng Omnibus Election Code.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nilinaw ng Comelec sa resolusyon nito, na ang pagbabayad ng PTW at PTC sa mga CPP-NPA-NDF ay para na ring pagbili ng boto ng kandidato at maaari nilang ikadiskwalipika, na nakasaad sa Section 68 (a) at (b) ng Omnibus Election Code.

Sinaluduhan ni National Security Adviser at NTF-ELCAC Vice-Chairperson, Secretary Hermogenes C Esperon, Jr., ang Comelec sa hakbangin nito para mapanatiling malinis at payapa ang darating na halalan, sa pagsasawata ng mga masamang gawain ng CPP-NPA-NDF.

“Nagdeklara na ang COMELEC. Ang PTW at PTC ay pangingikil ng CPP-NPA-NDF at ng kanilang mga kaalyadong front organizations, kaya’t bawal na bawal ito at iligal na gawain,” paliwanag ni Esperon.

“Walang puwang ang CPP-NPA-NDF na makialam sa proseso ng ating halalan. Ang mga teroristang ito ay hindi kailanman dapat pinapayagang dungisan ang karapatan nating mga Filipino sa pagpili ng ating mga lider. Sinasamantala nila ang eleksiyon para kumita ng limpak na salapi na gagamitin din nilang panglaban sa pamahalaan,” dagdag pa ni Esperon.

Kanya din pinagdiinan na sinumang kandidato na magbabayad ng PTW o ng PTC sa mga CPP-NPA-NDF at mga front organizations nito ay “mananagot sa malaking pagkakasala sa taumbayan dahil labag ito sa Saligang Batas.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.