Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kandidatong mayor pinosasan sa 5M shabu

0 110

Arestado ang isang kandidato sa pagka-alkalde matapos na mahulihan siya ng aabot sa P5 milyong halaga ng pinaniniwalaang shabu sa isinagawang operasyon ng pulisya at militar sa Midsayap, North Cotabato kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ang suspek na si Tom Nandang o mas kilala sa pangalang Datukon Nandang, 52-anyos, na pansamantalang nakatira sa Brgy. Upper Glad 1 ng nasabing bayan.

Ayon sa pulisya, si Nandang ay rehistradong botante ng Northern Kabuntalan, Maguindanao kung saan ito tatakbo sa pagka-alkalde.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa ulat na ipinadala sa Camp Crame ni Lt. Col. Rolly Oranza, hepe ng Midsayap Municipal Police Station, dakong alas-4:00 nang madaling-araw sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 12, mga pulis-Midsayap, at mga miyembro ng 34th Infantry Battalion ng Philippine Army ang bahay ng suspek.

Hinalughog ng mga awtoridad ang bahay ng suspek sa bisa umano ng search warrant at nakuha umano sa pag-iingat nito ang nasa P5 milyong halaga ng shabu at isang baril na kalibre .45.

Kusang-loob namang sumama si Nandang sa mga awtoridad subalit mariin niyang itinanggi na sa kanya ang nakuhang iligal na droga.

Nakakulong ngayon ang suspek sa PDEA Region 12 habang inihahanda ang kaukulang kaso na isasampa laban sa kanya. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.