Abante Tonite Interactive

Kanta ng 5th String Band swak sa JaDine

1,484

Nakapanayam namin ang bandang 5th String sa “Tambayan ng Tsika” (online show ng Abante Tonite). Kabilang rin ang 5th String sa bandang hawak ng Viva Records. Kasapi ng banda sina Oliver, 23 (Drummer); Christian, 24 (Lead Guitarist); Mau, 24 (Bassist); Brenan, 22 (Vocalist); at Ervin, 24 ­(Violinist, Keyboardist at Rhythm Guitar).

Sino ang leader sa 5th String?

“Wala naman po talagang leader sa amin, talagang lahat kami may desisyon. Pinapa­kinggan namin ‘yung isa’t isa. ‘Yun po talaga ang mas maganda kapag sa banda, so dapat ano kayo, one team. ‘Pag may desisyon ‘yung isa, pag-usapan naming lahat. Family po kami hindi lang po kami band.”

Ano ang madalas pag-awayan nila?

“Time management po. Nagkakatampuhan din, kapag nagkita-kita na po nawawala rin po eh. Halimbawa sa chat nagkakabangayan pero kapag nagkita na po, lahat po ‘yun nawawala.”
Nag-away na ba sila dahil nag-aagawan sa babae?

“Hindi po, never. Ang focus po namin ngayon is marating ‘yung mga dream namin.”

Sino ang idolo nilang banda?

“Ako po personally Parokya ni Edgar. Hindi sila ganu’n kagagaling pero ‘yung humor ng mga kanta nila, pang-masa,” sambit ni Christian.

Anong klase ng music nila?

“Kami po talaga alternative pero nanggaling po kami sa variety. So lahat po talaga ng genre tinatapakan po namin.”

May album na ba sila sa Viva Records?

“Single po meron, ‘yung ‘Gustong Gusto Kita’ by 5th String Band. Mayroon po niyan sa Spotify, sa YouTube, sa iTunes. Actually mayroon na po kaming gagawing album kaya lang hindi pa po namin nare-record.”

Sino ang humahawak sa career nila ngayon?

“Si Sir Lito de Guzman po, nag-audition po kami sa kanya. Sa kanya po namin ipinagkatiwala ‘yung career namin ngayon. Marami na rin siyang na-build-up na big star eh. Sabi naman po niya gusto naman niya i-try mag-banda para maiba naman po.”

Sinong crush nila?

Ani Ervin, “Siyempre, Nadine tayo eh.”

“Liza po,” sagot ni Brenan

Sey naman ni Christian, “Si Nadine.”

“Sa akin si Sarah Geronimo,” pakli ni Oliver.

Ayon naman kay Mau, “Sa akin dalawa po, si Liza Soberano at saka si Nancy ng Momoland. Para sakin si Liza po ‘yung pinakamagandang ­actress dito sa Pilipinas.”
Sino ang gusto nilang gawan ng kanta?

“JaDine po, parang ‘yung mga kanta namin laging tumutugma sa kanila.”

Gumagawa rin ba sila ng jingle?

“Opo, kaya ‘yung mga tumatakbo d’yan, ­kontakin po nila si nanay Lito de Guzman o sa page ng band na 5th String,” saad nila.