Abante Tonite Interactive

Kapa Apolinario ‘di sumipot sa DOJ, humirit pa

370

Hindi ulit sumipot sa pagdinig ng Department of Justice (DOJ) ang mga opisyal ng Kapa Community Ministry International pero humirit ang kanilang mga abogado na bigyan pa sila ng karagdagang panahon para makapagsumite ng counter-affidavit sa kasong isinampa ng Securities and Exchange Commission laban sa kanilang mga kli­yente na inakusahang sangkot sa investment scam.

Idinahilan ni Atty. May Divinagracia, abogado ni Kapa founder Pastor Joel Apolinario ang isyu sa seguridad ng kanyang mga kliyente kaya hindi nakapunta sa DOJ.

Hiniling rin ni Divinagracia na panumpaan na lang ng kanyang mga kliyente ang kanilang counter-affidavit sa Sarangani Provincial Prosecutor sa halip na sa DOJ panel na humahawak sa kaso.

Sa kabila nito, binigyan naman sila ni DOJ pa­nel head State Prosecutor Zenamar Machacon-Caparros hanggang sa susunod na pagdinig sa Hulyo 29 para isumite ang sinumpaang salaysay.

Una nang naglabas ang Davao Regional Trial Court Branch 16 ng precautionary hold departure order laban sa walong opisyal at board member ng Kapa sa pangunguna ni Apolinario.

Kasama sa travel ban sina Kapa trustee Margie A. Danao at corporate secretary Reyna L. Apolinario, Marisol M. Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Catherine Evangelista, at Rene Catubigan.

Matatandaang sinampahan na rin sila ng syndicated estafa ng National Bureau of Investigation matapos ang isinagawa nitong hiwalay na imbestigasyon laban sa Kapa. (Juliet de Loza-Cudia)