Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kapag nagloko ang thyroid gland

0 289

Ang thyroid gland ay isa sa pinaka-importanteng organ sa ating katawan.

Para itong konduktor na kumukumpas sa orchestra. Ito ang gumagawa ng mga kemikal na ginagamit ng katawan para kontrolin ang temperatura at metabolismo ng katawan at sa normal na tibok ng puso. Ang pituitary gland naman, na nasa utak, ang boss ng thyroid gland dahil ito ang taga-utos kung ano ang gagawin ng thyroid.

Alam nyo bang ang problema sa thyroid ay nauugnay ngayon sa kawalan ng kakayahan ng lalaking mapatayo si Manoy? Para sa mga babae naman, nahihirapan silang makipagniig dahil nasasaktan bunga ng pagkatuyo. At kapwa nawawalan ng gana ang lalaki at babae sa sex kapag sila ay may problema sa thyroid.

Ang thyroid ang gumagawa ng hormone na triiodothyronine, o kilala rin bilang T3. Ginagawa rin niya ang hormone na thyroxine na kilala rin bilang T4.

Hindi maganda kung tataas o bababa ang T3. Kapag mataas ang T3 level o mataas ang free T3 level, nagkakaroon ng hyperthyroidism ang isang tao. Kapag mababa naman, hypothyroidism ang nagiging problema nito. Ikinukumpara ang T3 sa level ng T4 at TSH o thyroid stimulating hormone. Tinitingnan din ang free T4 level para masiguro kung sa thyroid ang problema ng isang tao. Nakukuha ito mula sa blood test.

Kapag hindi nakakagawa ng sapat na hormone ang thyroid gland, nagiging problema ang pagkontrol sa metabolismo, temperatura at tibok ng puso ng isang may hypothyroidism.

SM food to go Banner Ad

Bakit nagkaka-hypothyroidism? Posibleng kulang ang iodine sa katawan. Maaari ring may Hashimoto disease o napapagkamalan ng immune system na kalaban ang thyroid gland kaya’t sinisira nito ang thyroid, dahilan para di makagawa ng sapat na hormone. Ang mga nagbubuntis ay maaari ring magkaroon nito, at kapag tinanggal ang thyroid gland dahil sa operasyon, wala nang napo-produce na thyroid hormone.

Ang mga may hypothyroidism ay laging mababa ang enerhiya at pagod, labis na nalulungkot, laging parang giniginaw, nananakit ang kalamnan, nagkakaroon ng brain fog o bumabagal ang pag-iisip, tumitigas ang dumi, nagkakaproblema ang regla, nanunuyo ang buhok, balat at kuko at tumataba.

Kapag naman napasobra ang gawa ng thyroid hormones, hyperthyroidism naman ito. Tinatawag din itong Graves’ disease. Ipinangalan ito sa Irish doctor na si Robert Graves na nakatuklas ng sakit 150 taon na ang nakararaan. Nagkakaroon din ng bukol o bosyo sa thyroid na nagsasanhi ng paggawa ng sobrang thyroid hormones.

Madalas na nanginginig, ninenerbyos at iritable ang may hyperthyroidism. Lagi ring naiinitan at di mapakali, at mabilis ang tibok ng puso. Lagi ring napapagod at napapadalas ang pagdumi. Apektado rin ang pagreregla dahil nagpapatlang o umuunti ang mga araw. Mabilis ding bumaba ang timbang ng may hyperthyroidism bukod sa nalalagas ang buhok at lumuluwa ang mga mata.

Patingin na agad kung may napapansin nang simtomas. Kailangang gamutin ang problema sa thyroid dahil kapag di nakontrol ang temperatura, metabolismo at tibok ng puso, ito at delikado. At kapag nakontrol ang problema sa thyroid, balik na ang sigla sa kama nina Mister at Misis.

Leave A Reply

Your email address will not be published.