Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kapag nasaid ang Malampaya

0 54

Nitong nakaraang mga araw, nakaranas ng ilang oras na “rotating brownouts” ang Metro Manila at maraming probinsya ng Luzon, kabilang ang CALABARZON, kabilang ang mga probinsya sa Bicol, Pampanga, at Bataan, hanggang sa Ilocos Norte at Isabela. Ayon sa isang news report, resulta ito ng sumusunod: mas mataas na demand sa kuryente dahil sa init ng panahon; nagkasabay na pagkumpuni sa o pagkasira ng ilang susing power plant sa Luzon; at “low gas pressure” mula sa Malampaya gas field.

Nag-udyok ang mga brownout ng mga flashback sa araw-araw na brownout na dulot ng krisis sa kuryente noong dekada 90. Ginamit na tungtungan ang krisis na ito para sa malawakang pribatisasyon ng sektor ng enerhiya na nagresulta sa pagpataw sa publiko ng ikalawang pinakamataas na presyo ng kuryente sa buong Asya. Pinapaalala rin ng mg kasalukuyong brownout ang peligrosong kalagayan ng Luzon grid gayong malapit nang masaid ang natural gas mula sa Malampaya.

Nakasalalay sa natural gas mula sa Malampaya gas field ang mahigit-kumulang sa 25% ng kuryente ng Luzon grid. Matatagpuan ito sa laot ng West Philippine Sea, 50 kilometro mula sa Palawan. Sa pamamagitan ng isang offshore platform complex, hinihigop ang natural gas mula sa ilang malalim na balon sa sahig ng dagat. Sa pamamagitan ng isang 504 kilometrong pipeline na nakalatag sa ilalim ng dagat mula sa Malampaya at lumilibot sa silangang panig ng Mindoro, nakararating ang natural gas sa limang malaking planta ng kuryente sa Batangas na nagpapailaw sa malaking bahagi ng Luzon.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Mula nang magsimula ang operasyon ng Malampaya gas field noong 2001, hindi maaaring maliitin ang estratehikong halaga nito sa ekonomiya ng bansa. Dahil likas na rekursong sariling atin, hindi imported tulad ng krudo o uling (coal), nagpapababa ito ng presyo ng kuryente sa kabuuan. Mas malinis din para sa kalikasan kumpara sa dalawang nabanggit. Sa kasamaang palad, paubos na ang natural gas ng Malampaya. Tinatayang masasaid na ito pagdating ng taong 2025.

Nasa kamay ng rehimeng Duterte ang responsibilidad ng pagtiyak na mapunuan ang kakapusan sa enerhiya bago mangyari ito. Kung hindi, babalik tayo sa araw-araw na brownout katulad noong dekada 90. Saan kukuha ng natural gas ang mga malaking planta ng Luzon grid? Isang kagyat na solusyon na pinaghahandaan na ng pribadong sektor ang importasyon ng Liquified Natural Gas (LNG). May itinatayo nang mga terminal sa Batangas para sa pagtanggap nito. Gayunman, mas mahal ang importasyon at itutulak nito pataas ang presyo ng kuryente.

Pangmatagalang solusyon ang pagdebelop ng bagong mga balon ng natural gas sa West Philippine Sea bilang kapalit ng Malampaya. Noon pang nakaraang dekada, natukoy na ang tinatawag na Sampaguita gas discovery sa Recto Bank. Nasa loob ito ng ating Exclusive Economic Zone, ngunit inaangkin ng China sa pamamagitan ng kanilang 9-Dash Line na binasure ng Permanent Court of Arbitration ng United Nations. Dahil dito, hindi makasulong tayong mga Pilipino sa pagpapaunlad ng sarili nating pagkukunan ng enerhiya mula sa sarili nating karagatan. Kailangan natin ng Pangulo na titindig para sa ating karapatan, hindi ang isang tulad ni Duterte na kumikilos para ipasakamay ng China ang likas na yaman ng West Philippine Sea.

Leave A Reply

Your email address will not be published.