Abante Tonite Interactive

Kapag tumutulong sa Pilipino, dapat kumpleto

KALIHIM NATIN

By
212

Isang karangalan ang mahirang ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Cabinet Secretary dahil kaakibat ng posisyong ito ang pagkakatalaga rin sa Kalihim Natin bilang Chairman ng Inter-agency Task force on Yolanda Rehabilitation (IATF-Yolanda). Pagkakataon ito upang maging makabuluhan sa pag-akay patayo ng mga kababayan nating nasalanta.

Sa nasabing tungkulin, iniatang sa ating balikat ang responsibilidad na tiyakin ang malapitang ugnayan ng mga ahensya ng gobyernong kasama sa pagsasakatuparan ng adhikaing ito, maging ang mga hakbang ng mga ahensyang ito, upang mapabilis ang pagbangon ng ating mga kababayang biktima ng nasabing delubyo.

Noong Martes, ika-12 ng Hunyo, isinagawa ang ika-11 pagpupulong ng IATF-Yolanda upang mapag-usapan ang mga pagbabagong naisagawa na ng administrasyon at ang mga nakaumang pang mga hakbang upang lalo pang mapabilis ang mga proyekto ng gobyerno hinggil dito.

Abante Hiring – IT dep

Bilang kagyat na solusyon sa tila tisod-bangong mga programa sa rehabilitasyon, pabahay at paglipat sa mas ligtas na mga pamayanang ipinapatayo ng pamahalaan, nagbaba tayo ng mga direktiba para sa mga ahensya ng pamahalaan. Isa na riyan ang pagbuhay sa mga naglaho nang Local Inter Agency Councils (LIAC) sa mga bayang nasalanta ng Yolanda. Nasa 116 mga munisipalidad ang tinutukoy natin, kung saan kasalukuyang itinatayo o nakatayo na ang mga proyektong pabahay ng gobyerno sa pamamagitan ng National Housing Authority (NHA).

Upang mapabilis ang prosesong ito, maglalabas ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan kaugnay rito, dahil ang bumubuo sa LIAC ay ang mga lokal na tagapangasiwa at mga ahensya sa kanilang mga nasasakupang hurisdiksyon. Inaasahan mula sa mga LIAC sa mga bayang nasalanta ng Yolanda ang masu­sing pagsubaybay sa pag-usad ng mga proyekto at pagpapaabot ng ulat sa IATF hinggil dito.

Dahil iba-iba ang naging pag-usad ng mga ito sa ilalim ng nakaraang pamamahala, dala na rin marahil ng magkakaibang sitwasyon sa bawat lokalidad, may mga LIAC na hindi gu­malaw at walang nagawa. Mayroon ding mga lokal na tagapangasiwa na nahirapang bumuo ng LIAC o, sa ano mang mga kadahilanan ay tumangging bumuo nito.

Kaugnay naman sa mga benepisyaryo ng mga proyektong pabahay sa mga komunidad na itinatayo ng pamahalaan, lilinisin natin ang listahan ng mga nangangailangan ng pabahay. Bago dumating ang halalan, dapat maisapinal na ang masterlist ng mga benepisyaryo upang maiwasan ang pabagu-bagong listahan na nakabatay sa kung sino ang malalapit sa mga lokal na tagapangasiwa. Hindi lamang hahantong ang ganitong pangyayari sa pagkabalam ng mga proyekto, ayaw din ng Kalihim Natin na gamitin ito bilang instrumentong pampulitika.

Hindi lamang pabahay, Titiyakin din natin na ang kanilang paglilipatan ay nakapaloob sa isang kumpleto at kaaya-ayang komunidad alinsunod sa “Township Concept” na binuo sa pakikipagtulungan ng mga ahensyang kasapi ng IATF-Yolanda.

Kung ang DILG ay naatasang sumubaybay, mangasiwa at magpatupad ng mga panuntunan upang masigurong gumagalaw ang mga LIAC ng naaayon sa inaasahan, nasa NHA naman ang responsibilidad ng pagsasanay sa mga kasapi ng LIAC upang turuan sila ng mga kakayahan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Technology transfer o capacity buil­ding, ikanga.

Sa ilalim ng administrasyong ito, mas mara­ming mga bahay ang naipapatayo sa mga bayang dinaluyong ng Bagyong Yolanda. Kinailangan nating muling ibangon ang mga LIAC dahil napag-alaman ng kalihim Natin na mas mabilis ngayon ang pagpapatayo ng mga bahay sa resettlement areas kaysa sa paggagawad o awarding ng mga pabahay na ito sa mga biktima.

Dahil sinisiguro natin na hindi magtatapos sa awarding ng mga bahay at lupa ang papel ng gobyerno sa buhay nila, LIAC ang mamamahala sa mga paghahandang kinakailangan at pagpapaunlad ng komunidad o township na kanilang paglilipatan.

Ginagawa natin ang mga hakbang na ito, hindi lamang dahil nais nating mapabilis na ang paglipat ng mga nabiktima ng delubyong Yolanda sa mas ligtas na tirahan, kundi dahil ito ang pangako ng admi­nistrasyon ni Pangulong Duterte: na ibibigay ng gobyerno ang kanilang mga pangangailangan upang sa malapit na hinaharap sila ay mabuhay ng produktibo at sa huli’y maging katuwang na rin ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng bayan.