Abante Tonite Interactive

Kapalaran ng DHSUD, nasa kamay na ni Pangulong Duterte

By
0 80

Tapos na pong maratipikahan sa Senado ang pinagsamang bersyon ng Kongreso at Senado ng panukalang pagsamahin ang lahat ng mga ahensya sa pabahay para sa pagbuo ng bagong Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Positibo naman po tayo na paglalaanan ito ng panahon ng ating Pangulong Rodrigo Duterte. Ibig sabihin lang nito na malapit na tayong magkakaroon ng isang departamento na nakatuon sa human settlements at sa urban development! 
Isang malaking hakbang po ito upang magkaroon ng sapat na pabahay ang bawat pamilyang Pilipino. Unti-unti nang nagkakahugis para maging isang katotohanan ang pangarap ng ating mga kababayan na magkaroon ng disente at sarili nilang bahay sa isang ligtas na komunidad.

Simple lang naman po ang layunin ng isinulong nating panukala at ang mga ito ay ang tiyaking maayos, ligtas at makasama ang pabahay ng gobyerno, gagawing developed ang mga lupa ng gobyerno para maging pabahay, at aayusin ang land use at urban planning para maging mas masigla ang lungsod.

Natutuwa po ako dahil hindi nasayang ang pagsisikap ng inyong lingkod na maitulak ito at magalawan ng mga kasama natin sa Kongreso at Senado.

Isa po itong lega­cy ng aking yumaong ama na si dating Deputy Minister on Human Settlements, Jose Conrado ‘Jolly’ Benitez. Ipinanganak po ito ilang dekada na ang nagdaan at nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Diyos at ginamit niya akong instrumento upang muli itong buhayin sa Kamara.

Sa suporta ng mga kapwa natin mambabatas sa Kongreso, naitawid natin ang panukalang ito hanggang sa makarating sa Senado. 

Nakagisnan at namulat ako sa dedikasyon ng aking ama na makatulong sa mga mahihirap na­ting kababayan na may kinakaharap na problema sa pabahay. Sa murang edad, naram­daman ko ang pagnanais niyang maitaguyod ang pangarap ng ordinaryong pamilyang Pilipino na magkaroon ng sarili nilang bahay.

At heto na po tayo. Tapos nang maratipikahan ang pinagsamang bersyon ng dalawang kapulungan. Dala­ngin natin na mapukaw ang damdamin ng ating Pangulo para ito’y malagdaan at tuluyang maisabatas.

Related Posts

Binuo po natin ang panukalang DHSUD para gawin itong pa­ngunahing sangay ng ating gobyerno na magbabalangkas ng mga polisiya at regulasyon, magpapatupad at magmo-monitor ng mga proyektong pabahay.

Titiyakin din po nito na magiging abot-kaya sa bulsa ng mga kababayan natin ang mga housing unit.  Ang DHSUD rin ang magi­ging responsable sa mga isyung may kinalaman sa housin­g program, human settlements, at urban deve­lopment.

Ang DHSUD na po ang magiging nag-iisang ahensya ng gobyerno dahil pag-iisahin at pagsasamahin na ang mga kasalukuyang ahensya na may kinalaman sa pabahay tulad ng HUDCC, HLURB, NHA, NHMFC, SHFC at ang HDMF.

Hindi na po magi­ging sabog at hilong-talilong ang mga kababayan natin kung saang ahensya sila pupunta para idulog ang mga problemang may kinalaman sa pabahay dahil kikilusan na ito ng DHSUD.

Ginawa po natin ito para matugunan ang malaking panga­ngailangan at kakula­ngan sa housing units.
Sama-sama together ika nga ang takbo ng operasyon sa DHSUD.

Kabilang din po sa itinutulak natin sa panukalang ito ay ang paglakip ng trabaho sa programang pabahay ng pamahalaan.

Mas gaganda ang buhay ng mga maralitang taga-lungsod kung ang relokasyon na ipagkakaloob sa kanila ay malapit sa kanilang pangangailangan at hindi malayo sa siyudad.

Masasayang at mawawalan ng saysay, useless ika nga, kung magugutom lang ang mga benepisyaryo sa bago nilang titirahan.

Ang dugtong po ng pabahay at employment ay napakahalaga kaya sana ay huwag itong isan­tabi ng pamahalaan.
Tulungan po natin sila na makapagsimula ng magandang buhay sa loob ng sarili nilang mga bahay!