Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kapalaran ng topnotcher sa Senate race

0 126

Ngayon pa lamang, pinag-uusapan na ng ilang Marites at malilikot ang isip ang posibilidad na magiging susunod na pangulo ng Pilipinas ang aktor at Senator-elect Robin Padilla.

Sabi nila, si Robin daw ang susunod sa yapak ng dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada matapos maging number 1 sa May 9, 2022 senatorial elections sa higit 27 milyong boto.

Matik na kasing pinag-uusapan ang topnotcher sa senatorial elections bilang malakas na kandidato sa pagka-presidente o bise presidente sa susunod na eleksyon.

Noong 1995 senatorial elections, naging topnotcher ang noon ay reeleksyunistang Sen. Gloria Macapagal-Arroyo. Makalipas ang tatlong taon, nanalo siyang Bise Presidente ng Pilipinas.

Nagsabong sa vice presidential race noong 2004 sina Noli de Castro at Loren Legarda na pinagwagian ng una. Pareho silang topnotcher sa senatorial elections. Si Legarda noong 1998 elections at si De Castro ay noon naman 2001.

Kasikatan bilang isang artista ang nagpanalo kay Robin. Masuwerte rin siya at hindi masyadong nabanatan ng fake news kumpara sa dinanas sa kampanya ni Vice President Leni Robredo.

Sa tingin ko, magandang puntiryahin muna ni Binoe ang maging vice president. Hindi niya maaaring kalabanin sa 2028 presidential elections si Vice President-elect Sara Duterte. Para siyang bumangga sa isang pader.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Pero malayo pa ang 2028, marami pang puwedeng maganap na maaaring ikabuti o ikasira ng isang popular na politiko.

Ang dapat munang gawin ngayon ni Robin, patunayan niyang hindi nasayang ang boto ng 27 milyong Filipino. Maghain siya ng mga panukalang batas na pakikinabangan ng nakararami. Magsalita siya sa mga isyu na kinasasangkutan ng mga maralitang Pinoy.

Tulad na lamang ng isyu ng hit and run na kinasangkutan ng isang mayaman at isang ordinaryong mamamayan. Umalma ang sambayanan nang makitang nagpa-press conference pa sa Camp Crame ang sumukong suspek, nagmano ang ina sa PNP chief at matapos nito ay malayang nakauwi ang pamilya.

Hindi ganyan ang nararanasan ng mga ordinaryong mamamayan sa kamay ng mga tagapagpatupad ng batas sa bansa.

Bukod sa mga mabulaklak na pananalita na swak sa soundbite ng mga television at radio network, ang ibang nakitang aktibidad ni Robin ay ang pagpapasalamat sa kontrobersyal subalit political icon na si dating Pangulong Arroyo. Ngayon pa lang, nagpapraktis na siyang maging traditional politician.

Tiyak marami ang mag-aabang sa mga galaw ni Robin sa Senado sa pagpasok ng 19th Congress simula sa Hulyo 1.

Leave A Reply

Your email address will not be published.