Abante Tonite Interactive

Kapalpakan ng bagets actor, ina ang gumigiyera

By
5,666

Maraming nag-oopinyon na luma­lakas ang loob ng isang young actor na gumawa ng hindi maganda dahil palaging may sumasalo sa kanya. Sa lahat ng mga kinasangkutang gulo ng young actor ay palaging nand’yan ang kanyang ina na handang magtanggol sa kanya.

Ilang kontrobersiya na ba ang kumaladkad sa pangalan ng young actor na ang kanyang ina ang bumabandera sa pakiki­pag-argumento? Siya ang nasa likuran lang, ang kanyang ina ang humaharap sa problema, palaging ganu’n ang senaryo.

Sabi ng kaibigan na­ming propesor, “Di ba, kahit naman sa problema nu’ng young actor at ng father niya, e, ang mommy rin niya ang umaatake? Siya ang nakikipagdisku­syon, safe na safe palagi ang anak niya?

“Nu’ng minsang masangkot sa gulo ang anak niya, siya na naman ang pumuwesto sa harapan, idinidiin niya na mabait daw ang anak niya, hindi raw basagulero, pero bakit palagi siyang nadadamay sa gulo?

“Naku, hindi maganda ‘yun! Mas lalakas ang loob ng anak niya na gumawa ng hindi maganda, kasi nga, e, may mommy naman siyang kilala sa pagi­ging giyerera!” komento ni prop.

Tapos na ang relasyon ng young actor sa isang young actress. Hiwalay na sila, pero gusto mang magsalita ng babae kung bakit sila nag-break ay takot itong magsalita, dahil siguradong ang mommy na naman ng male persona­lity ang papasok sa eksena.

Simpleng komento naman ng isang nakausap namin, “Ano ba ‘yan? Palagi na lang bang magtatago sa laylayan ng palda ng nanay niya ang bagets actor na ‘yun? Wala ba siyang backbone para ipagtanggol ang sarili niya? Bakit ang mommy niya ang palaging umeeksena, e, wala naman siya sa pinangyarihan ng gulo?

“Habampanahon na lang bang ganyan ang young actor? Nabubuhay sa anino ng mommy niya? Ang tapang-tapang pa naman ng name niya!” napapailing nitong reaksiyon.

***

Jolo napagod sa annulment nina Jodi at Pampi?

Ang pagbati sa kaarawan ni Jodi Sta. Maria ni Vice-Governor Jolo Revilla ang nagbigay ng ideya sa publiko na tapos na ang kanilang relasyon. Sayang na walong taon.

Sa kanyang pagbati ay nagpasalamat ang aktor-pulitiko sa walong taon nilang pinagsaluhan. Sala­mat daw sa suporta at Jods na lang ang salitang ginamit ni VG Jolo at hindi na asawa ko na kanyang nakasanayan.

‘Yun ang nagbigay ng katwiran sa marami para paganahin ang kanilang imahinasyon. Tapos na nga ang walong taong pagmamahalan na pareho nilang ipinaglaban at ina­lagaan.

Kung anuman ang na­ging dahilan ng kanilang paghihiwalay ay walang pahayag na nagmumula kay VG Jolo, lalong wala mula sa aktres, pero may mga nagbibigay ng dahilan kung bakit.

Siguro raw ay napagod na sa paghihintay ang aktor-pulitiko sa resulta ng annulment ng kasal nina Jodi at Pampi Lacson. Ilang taon nang dinidinig sa korte ang pagpapawalang-bisa sa kasal pero hanggang ngayon ay wala pa ring resulta.

Matagal nang gustong magbuo ng pamilya ni Vice-Governor Jolo, pero paano nga naman ‘yun maisasakatuparan, kung may humaharang pang legal na dahilan sa kanila ni Jodi?

Puwede ba nating sabihin na pagkainip ang naging dahilan ng pagtatapos ng kanilang relasyon? Puwede rin bang ikatwiran ang sobrang pagiging abala nina VG Jolo at Jodi sa kani-kanilang propesyon?

Mas maraming umaasa na isang araw ay sila pa rin sana ang magkatuluyan. Kapag wala nang balakid sa kanilang pagpapakasal ay walang imposible.