Abante Tonite Interactive

Kapatid ng Manila Police chief swak sa buy-bust

By
1,635

Naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kapatid ni Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Rolando Anduyan sa ikinasang buy-bust operation sa Iligan City.

Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang suspek na si Antonio Quiros Anduyan Jr., alyas ‘Zuye’, na nadakip sa Purok 8, Brgy. Tibanga, Iligan City bandang alas-6:30 kamakalawa ng gabi.

Sinabi ni PDEA Region 10 Director Wilkins Villanueva na si Anduyan ay No. 2 sa watchlist ng Iligan City.

Nakumpiska sa kanya ang 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P70,000 at dalawang tig-P1,000 bill.

Ang suspek na kapatid din umano ni Barangay Captain Camilo Anduyan ay nakapiit na sa detention cell ng PDEA Region 10 habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, sinabi naman ni Chief Supt. Anduyan na hindi niya kukunsintihin ang kanyang kapatid at hahayaan niya itong pagdusahan ang nagawang pagkakasala sa batas.