Abante Tonite Interactive

Kapayapaan para sa Inang Bayan sa 2019

339

Isa po noon ang Quezon sa mga probinsyang may malalang problema sa insurgency. Masasabi kong mangilan-ngilan na lang ang mga atake ng mga rebelde sa mga establisimyento at humina na rin ang kanilang puwersa sa aming lalawigan kumpara noong Dekada ‘90.

Malaking bahagi nito ang unti-unting pag-unlad ng mga siyudad sa Quezon. Sa pagtutulungan ng mga namumuno at mga mamamayan, ipinatupad ang nararapat na mga programa’t serbisyong kailangan ng mga taga-Quezon, lalo na ng mga magsasaka, mangingisda at manggagawang salat ang kita mula sa kanilang kabuhayan at trabaho. Nakikita na rin natin ang unti-unting pag-unlad sa kani-kanyang bayan.

Samantala, suspendido ang usapang pangkapayapaan ngayon sa pagitan ng mga rebeldeng komunista at pamahalaang Duterte. Ayon sa kasalukuyang administrasyon, layon nilang puksain ang rebelyon ngayong 2019. Sa kabilang banda, patuloy din naman diumano ang paglaban ng mga rebelde na mapabagsak si Duterte bago matapos ang kanyang termino.

Kapayapaan ang isa sa mga kondisyon ng mga mamumuhunan bago sila pumasok sa ating bansa. Hindi magkakaroon ng kaunlaran kung may kaguluhan. Ngunit, hindi rin naman magkakaroon ng kapayapaan kung ang hangad ng pamahalaan ay gamitan ng kamay na bakal ang mga nagrerebelde. Habang patuloy na kumakapit ang mga mahihirap sa rebel­yon at pag-aalsa dahil hindi nagiging ganap ang kaunlaran sa kanilang buhay, hindi makakamit ang kapayapaan.

Masakit at mapanira ang epekto ng giyera sa bayan. Ginagastusan ito ng pamahalaan. Imbes na mapunta sa serbisyong pang-kabuhayan ng mga mamamayan, nauuwi ang buwis sa pagpapataba ng bulsa ng mga kumikita mula sa giyera. Hitik din sa katiwalian ang bawat giyera sapagkat bil­yon-bilyong piso ang inuubos para pondohan ang mga baril at balang pamuksa sa kapwa Pilipino.

Noong deputy speaker ako ng mababang kapulungan, hinangad ko nang pagkaisa ang mga rebelde at pamahalaan. Mas magandang mag-usap kaysa magpatayan. Habang may namamatay dahil sa rebelyon, mas lumalala at lumalabo ang pag-uusap.

Sana naman sa taong ito, matanto ng Pangulong Duterte at mga rebeldeng komunista na magkaisa’t magharap hindi sa larangan ng giyera kundi sa larangan ng pag-uusap.