Abante Tonite Interactive

Kapit-tuko ng Senado

840

Masakit man pakinggan pero may bahid ng katotohanan na kapit-tuko sa puwesto si Se­nate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III.

Matatapos na ang kanyang termino sa 2019 pero ipinagpipilitan ni Pimentel na nakaisang termino pa lamang siya at kung mananalo sa susunod na halalan ay ito pa lamang ang ikalawang termino niya. Isa sa pumiyok sa interpretasyon ng batas ni Pimentel ay si Senador Antonio Trillanes IV na nanindigan na ga-gra­duate na ang ­Cagayan de Oro City solon sa 2019.

Kung matatandaan, unang naupo si Pimentel sa Senado noong Agosto 2011 nang ideklara ng Se­nate Electoral Tribunal (SET) na siya ang ika-12 nanalong senador noong 2007 senatorial elections. Isang linggo bago ilabas ng SET ang desisyon, nagbitiw naman sa Senado si Senador Juan Miguel Zubiri.

Pinalabas ni Pimentel na hindi counted sa kanyang unang term ang pag-upo niya noong 2011 hanggang 2013 kundi termino daw ito ni Zubiri. Eh kung hindi pala sa’yo ‘yung termino, bakit mo pa kinuha kay Zubiri? Nanalo ng reeleksiyon si Pimentel noong 2013 elections at magtatapos na sana ang kanyang term sa 2019.

Pero nanindigan ang matalinong bar topnotcher na nakakaisang term pa lamang siya at may sinasandalan daw siyang desisyon ng Supreme Court (SC) bilang legal precedent. Alam niyo ba ang kasong maaaring gamitin ni Pimentel? Ito ang kaso ni Camarines Norte Gov. Edgar Tallado.

Nakilala si Tallado dahil sa sex scandal noong 2014 kung saan naging viral sa social media ang hubad niyang larawan kasama ang magandang babae sa kama. Nakatatlong termino na si Tallado pero pinayagan pa rin ng Commission on Elections (Comelec) ang pagtakbo niya noong 2016 elections.

May desisyon daw kasi ang SC noong 2013 na hindi niya nakumpleto ang kanyang termino nang manalo sa 2007 elections sa pamamagitan ng recount ng boto. Ito raw ang posibleng gamitin ni Pimentel sakaling kuwestiyunin ang muli niyang pagtakbo sa 2019 elections.

Kung papayagan ang muling pagtakbo ni Pimentel sa 2019 elections, posibleng magpatuloy ang paninilbihan niya bilang Senate President hanggang 2022. Matatapakan niya ang pangarap ni Senate Majority Lea­der Vicente ‘Tito’ Sotto III na maging Senate President.

Ngayon pa nga lang, deny to death na si Pimentel na may kasunduan sila ni Sotto hinggil sa term sharing. Kung inyong matatandaan, naging instrumento si Sotto at ang kinaaniban niyang Macho Bloc sa pagkakapanalo ni Pimentel sa nasabing puwesto laban kay da­ting senador Alan Peter Cayetano noong 2016.

Hay naku! Ang politika nga naman parang gulong. Kung minsan nasa ilalim at kung minsan nasa ibabaw. Pero si Pimentel, patuloy na nangingibabaw. Matanong ko lang, anong brand kaya ng epoxy ang gamit ng senador?