Abante Tonite Interactive

Kapitan, 3 beses binaril ng bisita

553

Nasawi ang isang barangay captain sa Palayan City, Nueva Ecija makaraang puntahan sa loob ng kanyang tahanan at pagbabarilin sa mukha ng salarin kahapon ng umaga.

Sa salaysay sa Abante ni Macrina Pascua, biyuda ng napatay na si Beato Bautista Pascua, 54-anyos, ng Brgy. Ganaderia, alas-9:00 nang umaga nang may lalaking tumuloy sa kanilang tarangkahan at tinawag ang biktima.

Nang lumabas sa terrace si Kapitan Pascua at puntahan ang bisita ay pinaputukan ito ng tatlong beses ng salarin saka mabilis na tumakas.

Naisugod si Kapitan Pascua sa Palayan City Health Center subali’t nadeklarang dead-on-arrival.

Agarang ipinag-utos ni City Mayor Adrianne Mae Cuevas ang puspusang pagsisiyasat kasabay ng payo sa iba pang local officials na magsagawa ng ibayong pag-iingat dahil sa init pa rin ng pulitika sa lungsod.

Iniutos din ni Cuevas ang paglalagay sa half mast ng mga watawat sa lungsod at naggagayak ng iaalok na pabuya sa Pascua murder case. (Jojo De Guzman)