Abante Tonite Interactive

Kapitan 4 ulit binaril sa dibdib

325

Apat na tama ng bala sa dibdib ang ibinaon sa isang barangay captain pero himala itong nakaligtas matapos tambangan at pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki sa main gate ng Villasol Subd., Barangay Amsic, Angeles City kamakalawa.

Ang biktima ay nakilalang si Ronnie dela Cruz Rogando, 41, may-asawa at kasalukuyang punong barangay ng Amsic.

Ayon kay Col. Narvin Mangune, acting director ng Angeles City Police Office, lulan ng kanyang Honda BRB (CAO-7573) ang biktima nang pagbabarilin ng mga suspek dakong alas-4:20 nang hapon.

Papasok sa nasabing subdibisyon ang kapitan nang dikitan ng mga salarin at pinaputukan ng kalibre 45 na baril sa katawan habang sakay ng isang motorsiklo na walang plaka.

Sinabi ni Mangune kasalukuyang nagpapagaling ang biktima sa intensive care unit ng isang pribadong ospital sa Angeles City.

Kaugnay nito, isang special task group ang binuo ni Mangune upang mangasiwa sa imbestigasyon at alamin ano ang tunay na motibo at kung sino ang salarin sa pananambang kay Rogando. (Rudy Abular)