Abante Tonite Interactive

Kapitan, tanod malapitang nirapido

409

Sugatan ang isang kapitan ng barangay at tanod nang malapitang pagbabarilin ng dalawang gunman kung saan napatay ang isa sa mga ito matapos ang mabilis na pagres­ponde ng pulisya, Lunes nang gabi sa Placer, Masbate.

Patuloy na ginagamot sa hindi nabanggit na ospital ang biktimang sina Antonio Jose Aum, 50-anyos, kapitan ng Brgy. San Marcos, at tanod nitong si Graciano Condrilon, 45, na nagtamo ng mga bala sa katawan.

Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng isa sa napatay na suspek habang nakatakas ang isa sa mga ito.

Sa ulat ni Police Major Ma. Luisa Calubaquib, taga­pagsalita ng Police Regional Office (PRO) 5, naganap ang insidente alas-sais ng gabi sa harapan ng isang tindahan sa Brgy. San Marcos ng bayang ito.

Nakatayo sa harap ng tindahan ang mga biktima nang lapitan ng mga suspek at pagbabarilin bago mabilis na nagsitakas.

Nang masabat ng pulis ay nagkaroon ng ilang minutong palitan ng putok na ikinasawi ng isa sa mga suspek. (Edwin Balasa)