Abante Tonite Interactive

Kapitbahay sinaksak, tinaga ng mag-ama

372

Masuwerteng nakaligtas ang isang 48-anyos na driver sa tinamong saksak at taga sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan matapos siyang pagtulungan ng mag-ama na kapitbahay sa Trece Martires City, Cavite.

Nagpapagaling na sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang biktima na si Wilfred Digo, nakatira sa Brgy. Conchu, Trece Martires City.

Arestado naman at nakakulong na sa Trece Martires City Custodial Center ang suspek na si Lauro Landicho, 56-anyos,­ security guard, at ang kanyang anak na si Laurence, 28.

Sa ulat ni PSSg. Romeo Damance ng Trece Martires City Police Station, dakong alas-10:00 kamakalawa ng umaga sakay ng motorsiklo si Laurence angkas ang kanyang ina at muntik nang masagi ang asawa ng biktima na si Emily.

Sa halip na humi­ngi ng paumanhin ang panig ng suspek ay nagsigawan pa umano si Emily at nanay ni Laurence hanggang sa naungkat ang matagal na nilang alitan.

Nagsumbong naman si Laurence sa kanyang amang si Lauro at armado ng patalim at itak ay pinagtulungang saksakin at tagain ang biktima.

Agad naman nasakote ng mga rumespondeng pulis si Lauro habang tumakas naman si Laurence pero naaresto rin ito sa follow-up ope­ration ng mga pulis. (Gene Adsuara)