Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kapos budget ng ‘Pinas P321B na, gastusin lumobo

0 280

Kapos umano ng P321.5 bilyon ang koleksyon ng pamahalaan nitong unang quarter ng taon para matustusan ang lahat ng gastusin, kaya’t sa pangungutang ito umaasa.

Ayon sa Bureau of the Treasury (BTr), nasa P1.02 trilyon ang gastusin ng pamahalaan nitong first quarter ng taon samantalang ang koleksyon nito mula sa buwis, mga fee at charge na sinisingil ng iba’t ibang ahensiya ay umabot lamang sa P696.5 bilyon. Kung ikukumpara sa first quarter ng 2020, mas malaki nang bahagya ang koleksyon ng pamahalaan ngayon dahil P620.7 bilyon lamang ito noon.

Noong Marso, ang gastusin ay umabot sa P407.6 bilyon samantalang ang koleksyon ay kalahati lamang nito na nasa P216.2 bilyon.

Dahil sa lumalaking utang, lumalaki na rin ang gastos ng pamahalaan sa interes na sinasabing mas magandang gamitin umano para bigyan ng ayuda ang mga nangangailangan.

Ayon sa BTr, umabot na sa P125.9 bilyon ang ginastos ng kasaluku­yang administrasyon, na pambayad pa lamang sa interes ng mga utang noong first quarter nga­yong taon. Noong first quarter ng 2020, P119.9 bilyon ang pinambayad sa interes sa mga utang. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.