Abante Tonite Interactive

Karahasan mahinto na sana

221

Maligayang Pasko sa inyong lahat at maging masagana at payapa sana ang Bagong Taon ng sambayanan.

Bukod sa pagiging excited sa mga pagkain at regalo, gamitin din natin ang mga araw na ito upang alalahanin ang ating Diyos at pasa­lamatan Siya sa lahat ng biyaya ngayong taon at sa papasok na 2019.

Maraming salamat din sa aking pamilya at mga kaibigan na walang sawang sumusuporta sa akin.

Magiging ganap na sanang masaya at makabuluhan ang Pasko kung hindi lang ito nabahiran ng karahasan.

Hayaan n’yo po sanang ilaan ko ang pitak na ito para sa isang kaibigan. At sana’y samahan ninyo kami sa pagdarasal na matukoy ang utak ng pagpatay sa kanya at madakip ang mga taong naging kasangkapan para maisakatuparan ang krimen na ito.

Isang kasamahan at kaibigan, si Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe ay pinaslang at ang kanyang security aide habang nagsasagawa ng kanyang gift-giving sa mga senior citizen at persons with disability (PWDs) sa Daraga, Albay noong Sabado.

Nakakagalit. Nakakapanlumo.

Isa po sa pinakamasipag na miyembro ng Kongreso si Rep. Batocabe. Tunay na nagli­lingkod kaya mahal na mahal siya ng mga tao.

Pinatay siya tatlong araw bago sumapit ang araw ng Pasko. Nagluluksa ang kanyang mga mahal sa buhay sa panahong dapat ay nagsasaya ang kanilang pamilya tulad natin na masayang ipinagdiwang ang kaarawan ng ating Panginoong Hesus.

Walang masamang tinapay sa taong ito. Lahat ay kaibigan niya. Lahat kami sa Kongreso ay nalungkot. Para kaming naputulan ng isang bahagi ng aming katawan sa kanyang pagkamatay.

At dahil diyan kaya kumilos ang mga mi­yembro ng Kamara para lalong mapabilis ang pagresolba sa kanyang kaso.

Dalangin po namin na sa pamamagitan ng aming pagsisikap ay may tumayo at magtapat ng kanyang nalalaman sa krimen. Nananawagan po kami sa sinumang makakapagturo o makapagbibigay ng impormasyon sa mga suspek o mastermind sa pagpatay kay Congresman Batocabe at kanyang security aide na makipag-ugnayan sa mga awtoridad at isiwalat ang kanilang nalalaman.

Sa kasalukuyan po ay umaabot na sa P30 milyon ang aming nalikom para maging pabuya sa ikalulutas ng kaso. Mismong ang Ako Bicol ay nangako ng P15 million, P2 million naman mula sa provincial government ng Albay, at nasa tig-P30,000 ang ibinigay ng nasa 100 kongresista.

Nagpapasalamat din po kami sa mga kasama namin sa Senado na nakiisa sa amin sa pagkondena sa nangyari kay Congressman ­Batocabe.

Tulad namin ay ma­lakas din ang kanilang panawagan sa mga awtoridad na agad resolbahin ang krimen at tiyakin na mapaparusahan ang may sala.

Totoo naman po, walang puwang sa isang demokrasyang lipunan ang ginawa kay Cong. Batocabe.

Isa po talaga itong malungkot na yugto sa kasaysayan ng politika sa bansa.

Huwag po sana na­ting hayaan na mamayani ang kasamaan sa ating lipunan.

Magkaisa po tayo na itayo at huwag dumausdos ang moral sa ating lipunan dahil sa paniwalang ang kultura ng karahasan ang daan para makamit ang inaasam na pagbabago.

Magkapit-bisig po tayo para mamayani ang pagkakaisa at kabutihan sa ating mga puso.

Sa pagpasok po sana ng Bagong Taon ay bagong buhay na puno ng pagmamahal sa bawat isa ang mamayani sa ating lahat.