Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Karahasan sa Mindanao ginagatungan – PNP

0 49

Itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na kaunti lamang ang mga insidente ng karahasan sa Mindanao na may kinalaman sa idinaos na halalan kahapon, kumpara sa mga nakaraang eleksiyon.

Inihayag ito sa isang press conference sa Camp Crame ni PNP Directorate for Operations director Major General Valeriano de Leon na sinabing 100 porsiyento ng mga polling precinct sa rehiyon ng Mindanao ay gumana.

Kinukumpirma pa rin aniya ng PNP ang mga ulat tungkol sa mga karahasang may kinalaman sa halalan.

Subalit hindi inalis ng opisyal ang paniwala na may mga nagpapalaki lamang nito kung kaya’t kailangan aniya nilang kumpirmahin ang mga iniulat na insidente.

“Meron kasi nagrereport, they are blowing out of proportion kaya vina-validate bago namin kino-confirm,” ani Valeroso.

Sinabi naman ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na wala silang natanggap na anumang report na may natigil na botohan hanggang alas-tres ng hapon nitong Lunes.

Para naman kay PNP Officer-In-Charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr., “relatively peaceful” ang halalan kahapon dahil kakaunti lang ang mga insidente ng karahasan kumpara sa naganap na eleksiyon noong 2016 at 2019.

Nakapagtala ang PNP Command Center at National Election Monitoring and Action Center ng 10 insidente ng karahasan nitong Lunes.

Sa ngayon ang pinaghahandaan ng pulisya ayon pa kay Danao ay ang mga insidenteng maaaring mangyari pagkatapos ng eleksiyon lalo na sa mga probinsya dahil sa awayan ng magkakalabang politiko. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.