Abante Tonite Interactive

Karahasan sa panaginip

120

Nanaginip po ako na may isang tao ang pinagpapalo sa harapan ko. Hindi man lang daw umawat ang mga taong nakapa­libot. Tapos nu’ng paalis na ako kasama ang tita ko ay ako naman ang pinagpapalo ng tatlong bata. Ano po kaya ang posibleng kahulugan ng aking panaginip?

Ang iyong panaginip ay nagpapakita ng eksena ng karahasan. Ang violence ay bahagi na rin ng araw-araw nating buhay. Hindi man personal na nangyayari sa atin ay nakikita, nariri­nig o nababalitaan naman natin ang iba’t ibang uri ng karahasan. Araw-araw tayong lantad dito sa pamamagitan ng radio, telebisyon at social media.

Dahil dito, hindi na maituturing na kataka-taka kung managinip man tayo ng tungkol sa karahasan.

Kadalasan, kung ang ganitong panaginip ay nagpapaulit-ulit o ‘yung tinatawag na recurring dream, dito ka lamang dapat mag-alala dahil posibleng meron kang repressed anger o ma­tinding galit na hindi mo mailabas. Puwede rin itong indikasyon ng repressed fear o matin­ding takot.

Related Posts

Ang panaginip tungkol sa karahasan ay puwede ring indikasyon na may magulong sitwasyong pinagdaraanan ang nanaginip. Maaa­ring ang sitwasyong ito ay nawawala sa kanyang kontrol kaya merong takot na nagsusumiksik sa kanyang subconscious mind. Kung sa aktu­wal na sitwasyon, ang nanaginip ay merong ­taong kinaga­galitan pero wala siyang kakaya­hang ilabas ang galit na iyon, puwedeng maikonek ang ganitong klaseng pa­naginip. Ang mga taong nambubugbog ay representasyon mo at ng galit na iyong nararamdaman. At ang eksenang ikaw naman ang binubugbog ay ­pahiwatig ng isip na maaaring ­ganu’n ang sasapitin mo kung sakaling manakit ka ng ibang tao.

Kung isang beses mo lamang napanaginipan ang ganitong karahasan, maaaring may ­narinig ka lamang na balita o kaya’y maaa­ring napanood sa telebisyon at pelikula. May ­pagkakataong ang mga napapanood natin ang pinagmumulan ng mga panaginip natin.

Ikaw ang higit na nakakakilala sa sarili mo, ikaw ang nakakaalam ng tunay mong sitwasyon sa buhay. Kung ­meron ka mang matinding ­emosyon na kinikimkim, hindi ito healthy para sa iyong kaisipan. Nagdudulot ito ng stress sa atin. May mga paraan para magbawas ng stress tulad ng pakikipag-usap sa pinagkakatiwalaang ­kaibigan o ­pamilya. Kung ang ­panaginip mo naman ay dulot lamang ng balita o pelikulang napanood, walang dapat ipag-alala dahil ito’y bahagi lamang ng normal na buhay.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pa­naginip, mag-email sa abantedreamcat­cher@gmail.com.