Abante Tonite Interactive

Karambola sa Taguig; 2 baby nadale

280

Dalawang sanggol at apat na iba pa ang nasugatan sa naganap na banggaan ng mga sasakyan sa Taguig City kamakalawa nang gabi.

Sa nakalap na ulat batay na rin sa report ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nangyari ang aksidente sa southbound lane ng C5-Mckinley ganap na alas-otso nang gabi.

Lumilitaw na inararo ng isang dump truck ang nakatigil na taxi sa intersection ng C-5 Road at Mckinley Hill.

Sa lakas ng impact ay pumailalim sa trak ang taxi at binangga nito ang kasunod na 2 pang truck na nagresulta upang salpukin din ang isang taxi na nasa katabing lane.

Bunga ng karambola ay nasugatan ang limang pasahero ng pumailalim na taxi na kinabibilangan ng dalawang sanggol. Damay din sa nasugatan ang isa sa mga driver ng truck.

Sa paglalahad ng driver ng nakasalpok na dump truck, nawalan siya ng kontrol sa preno kaya sinuyod nito ang nasabing mga sasakyan.

Agad namang tumugon sa sakuna ang magkasanib na MMDA at Taguig Rescue Team kung saan nagdulot ng traffic ang insidente sa southbound lane.
Ang mga biktima ay agad na isinugod sa Taguig Pateros Hospital.