Abante Tonite Interactive

Karangalan!

Cabagnot may hinahabol kina Big J, Flying A

By
0 94

Walang kamalay-malay si Alex Cabagnot na inihanay na pala niya ang pangalan sa tabi ng mga PBA greats habang minamanduhan ang San Miguel Beer kontra Magnolia Pambansang Manok Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sa 9:46-minute mark ng third, ninakawan ng bola ni Cabagnot si Mark Barroca na nagresulta sa layup sa kabila ni Arwind Santos tungo sa 59-50 lead ng Beermen.

Sa pangalawang steal ng game, nilista ni Cabagnot ang 674th ng kanyang career para sumampa sa PBA top 10 all-time steals made. Ibinaba niya sa No. 11 overall si Cyrus Baguio (673) ng NLEX.

Si Johnny ‘The Flying A’ Abarrientos ang all-time steals leader sa nilistang 1,358 sa loob ng 742 games mula 1993-2010.

Namigay din si Cabagnot ng 4 assists kontra Hotshots, inakbayan si 1980 MVP Philip Cezar sa No. 8 ng all-time list. Pareho silang nakatipon ng 3,130 assists sa career.

Nasa 14th season na niya si Cabagnot, second pick overall ng Sta. Lucia noong 2005.

“Wow! If you would have told me that in 2005, I wouldn’t have believed you,” bulalas ni Cabag­not nang sabihin sa kanya ang dalawang milestones na nakuha sa isang laro.

“I’m just trying to make my mom and dad proud every game.”

Si Robert ‘Big J’ Jaworski naman ang all-time assists leader sa 5,825 sa loob ng 958 games mula 1975-1998.

Tumapos siya ng 11 points, 3 rebounds, 4 assists at 3 steals sa 113-92 win na nagsampa sa SMB sa 4-3 card, solo ang fourth spot ng PBA Philippine Cup.

Hindi pa lang daw niya mai-celebrate nang todo ang career milestones dahil mas mahalaga sa kanya ang pag-angat ng five-time champion San Miguel.

“More than anything, we’re 4-3 still. We have a couple of days off,” aniya. “I’ll probably celebrate about it later, but we’re still 4-3.”