Abante Tonite Interactive

Karapatan ng kapatid sa ina

435

Hi Atty. Claire,

Tanong ko lang po kung may karapatan ba ako sa lahat ng ari-arian ng mama ko at may karapatan din po ba ang mga kapatid ko sa ina?

Ang tatay ko po ay isang sundalo na namatay noong baby pa lang ako. ‘Yung mama ko ay iniwan ako sa lola ko at lumaki ako sa kanya.

‘Yung mama ko po ay may pension dahil sa pagkapatay ng papa ko. ‘Yung mama ko ay nagkaanak ng dalawa sa ibang lalaki.

Nakabili po si mama ng ari-arian sa pera ng papa ko. May karapatan po ba ang mga kapa­tid ko sa naipundar ng mama ko dahil sa pera ng papa ko? Sana po tulungan ninyo ako na malaman ang totoo. Ano po maipapayo ninyo sa akin?
Maraming salamat po.

Jennelyn

Ms. Jennelyn,

Nais ko lang itanong kung paano mo nasabi na ang perang nagamit ng iyong ina sa ari-arian niya ay pera ng iyong ama? ‘Di ba namatay siya nang maaga?

Itinuturing mo ba na ‘yung pen­sion ang ginamit niyang pambili sa mga naipundar niya? Wala bang na­ging trabaho ang nanay mo? O ang kanyang kinakasama ba ay hindi nakapag-contribute sa pagbili ng ari-arian na sinasabi mo?

Ang susunod na ta­nong ko ay kung kasal ba ang nanay mo sa ama ng dalawa pa niyang anak? Kung hindi kasal at ikaw lamang ang lumalabas na lehitimong anak ay mas malaki ang magiging share mo kaysa sa ilehitimong mga anak ng nanay mo. Ngunit kung kasal din naman siya sa tatay ng dalawang kapatid mo ay pantay-pantay kayo sa makukuha sa naiwan o maiiwan ng inyong ina.

Kung naipundar naman ang mga ito habang nagsasama ang nanay mo at ang tatay ng dalawa niya pang anak ay sila ang maituturing na may-ari ng mga ari-arian at mas lalamang ang hati ng dalawa mong kapatid.

Kung sakali naman nga na pera ng ama mo ang ginamit ng nanay mo sa pambili ng mga ari-arian ay makukuha mo lahat ang share ng tatay mo na 50% ng ari-arian pero sa 50% share ng nanay mo ay makakakuha ka rin pero kahati na ang ibang kapatid mo sa ina. Wala silang makukuha sa 50% share ng tatay mo.

Tandaan na dapat mong patunayan na mula iyan sa pera ng tatay mo o sa pension na dapat na tatay mo ang makakuha sa kanyang pagtanda kung nagtakataon na buhay pa siya. Kapag hindi mo napatunayan ito ay maghahati kayong tatlong magkakapatid sa kabuuan ng ari-arian na lumalabas na pag-aari lamang ng nanay mo. Maghahati kayo ayon sa batas.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8410-7624 o 8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.