Abante Tonite Interactive

Karapatan sa lupa

344

Dear Atty. Claire,

Ako po si Kristian, gusto po malaman kung ano ba ang karapatan namin sa lupa na kinatitirikan ng aming bahay.

Sa akin pong ­pagkakaalam ang lupa na kinatitiriran ng aming bahay ay pagmamay-ari ng ­kapatid ng lolo ko sa side ng aking ama. Ngayon po ay namatay na ang kapatid ng lolo ko at ang mga anak nito ay ­binabalak nang kunin ang lupa sa amin.

Sa kasalukuyan po ay kinuha na nito ang aming paupahan na ang lupang kinatitirikan ay pagmamay-ari rin ng kapatid ng lolo ko.

Ang aking ama ay sumakabilang buhay na kaya po pumayag na rin ang aking ina na kunin sa amin ang aming paupahan sa takot na baka palayasin kami sa lupa.

Ang pagkakaalam ko po ay may parte ng lupa na nakapangalan sa aking ama.

Paano ko po malalaman kung meron po ba talagang lupa na nakapangalan sa aking ama? Hindi po kasi ako malapit at ‘di nakikipag-usap sa mga ­matatandang ­kapamilya namin ­dahil na rin sa ­hindi naman sila rito ­nakatira sa ­lupang aming kinatitirikan.

Umaasa po ako na matutulungan niyo kami na maintindihan ang aming problema sa lupa.

Maraming Salamat po.
Kristian

Dear Mr. Kristian,

Ayon sa kuwento mo ay aminado kayo ng pamilya ninyo na ang lupa na inyong tinitirhan ay pag-aari ng kapatid ng lolo mo at ang pagtira ninyo ng mahabang panahon ay libre.

Wala kayong maaaring makuha sa anumang parte lalo pa at hindi kayo masasabing builder in good faith dahil sa alam ninyo sa simula pa lang na mayroong nagmamay-ari ng lupa.

Ang tanging karapatan ninyo ay mabayaran kayo ng necessary expenses ­dahil inalagaan naman ninyo at na-preserve ang kanilang lupa.

Ayon sa Art. 452 ng Civil Code ay:

The builder, planter or sower in bad faith is entitled to reimbursement for the necessary expenses of preservation of the land.

Bakit hindi kayo builder in good faith? Dahil sa simula pa lamang ay alam na ninyo kung sino ang nagmamay-ari nito. Ang inyong paglagi at pagtira sa lupa ay malamang na ­hindi nila alam o kaya ay binabayaan na ­lamang kayo.

Ngunit wala kang mapapa­kita na katibayan na kayo ay pinayagan na magtayo ng improvement sa lupa. Subalit sa tagal ng inyong paglagi sa lugar ay may presumption na kayo ay nanatili sa lupa thru tolerance.

Dahil rito ay may karapatan ang may-ari ng lupa na paalisin kayo nang hindi binabayaran ang anumang improvement na inyong isinagawa sa lupa ngunit makakasingil kayo para sa necessary expenses.

Ang karapatan ninyo tungkol sa paupahang bahay ay mag-demand ng kabayaran sa pagpreserba o pangangalaga ng lupa. Ang Supreme Court ay mayroong desisyon sa kahalintulad na kaso na may titulong Sps. Aquino, et.al. versus Sps. Aguilar, et. al. GR No. 182754 June 29, 2015 kung saan isinasaad na tanging ne­cessary expenses ang maaaring makuha ng isang builder in bad faith kung saan ang builder ay ­umaming mayroong may-ari ang lupa nang sila ay nagtagyo at nagsagawa ng improvement at sila ay pina­yagang makatira sa isang lugar ng libre sa pamamagitan ng tolerance.

Ngunit kung mapa­patunayan mo naman na tumira at lumagi kayo roon sa pag-aakala na isa ang tatay mo sa may-ari at mapapatunayan mo naman ang tatay mo ay kinilala naman na may karapatan sa parte ng lupa noong siya ay nabubuhay pa ay iba naman ang magiging sagot ko dahil hindi kayo maitutu­ring na builder in good faith o bad faith dahil kayo ay isa sa tunay na may-ari.

Para malaman mo kung totoong may parte ang tatay mo sa lupa ay alamin mo sa Assessor’s Office ito at kumuha ka ng Certificate of Landholdings sa pangalan ng tatay mo o ng parents niya.

Kung gusto mo nang mas malalim na pagsusuri ay kumuha ka rin ng Certificate of Landholdings para sa pangalan ng magulang ng lolo mo para malaman mo kung saan nagmula ang property na pinag-uusapan natin.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 4107624 o 9220245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.