Abante Tonite Interactive

Karatedo official Reyes pinapaaresto sa korapsiyon

265

Iniatas ng Metropolitan Trial Court-National Capital Judicial Region Branch 27 Manila sa pinalabas na isang warrant of arrest ang agad na pagdakip kay Philippine Karatedo Federation-NSA Inc. Secretary General Raymond Lee Reyes base sa kinasasangkutan nitong kaso.

Pirmado ni Presiding Judge Joel A. Lucasan, epektibo na ang pag-aresto nitong Pebrero 1, 2019, at inaatasan nito ang National Bureau of Investigation (NBI) at Phi­lippine National Police sa paghuli kay Reyes dahil sa paglabag sa Article 220 ng Revised Penal Code, kaya may case no. M-MNL-19-00670-CR.

“To any officer of the law, you are hereby commanded to arrest Raymond Lee Reyes, who is/are said to be at P. Casal Street, Quiapo, Manila and/or Room 303, Dorm F, PhilSports Complex, Pasig City, and who is/are charged before me with the crime of Violation of Article 220 of Revised Penal Code and to bring him/her/them before me as soon as possible to be dealt with according to law,” utos ni Judge Lucasan.

Itinakda naman ang bail para sa temporary liberty o pansamantalang kalayaan ni Reyes sa P18,000.

Ipinasa ni MTC Branch Clerk of Court Gina D. Turiano ang atas sa NBI Main at PNP Camp Crame Warrant and Subpoena Section upang agad na maipatupad ayon sa batas.

Matatandaan na inireklamo ng pitong pambansang atleta na miyembro ng karatedo si Reyes matapos ibunyag ang anomalya sa asosasyon katulong ang Philippine Sports Commission na siyang pinanggalingan ng pera na kanilang dapat na makuha subalit hindi ibi­nigay ng dating secretary general ng karatedong si Reyes.

Inilantad naman ni PSC Commissioner Ramon Fernandez na nagsanay ang 14 katao na national karatedo team sa Germany noong Hulyo 20 hanggang Agosto 9, 2017, pero walang nakuhang allowance mula sa sports agency.