Abante Tonite Interactive

Karnaper nakorner, bugbog-sarado

277

By Orlan Linde

Mistulang lantang-gulay na nang lubayan ng taumbayan sa paggulpi ang isang karnaper matapos mahuli sa akto na tinatangay ang isang motorsiklo sa Navotas City kamakalawa nang hatinggabi.

Pasa sa iba’t ibang bahagi katawan, sarado ang mga mata dahil sa suntok at sipa ang inabot ni John Kenneth Candelaria, miyembro ng ‘sputnik gang,’ 24, ng No. 128 Quirino Highway, Baesa, Quezon City.

Sa pahayag ni Ace Vergel Dichoso, 30, nagpapahinga ito sa bahay sa No. 64 L. Santos St., Brgy. Tangos, dakong alas-11:30 ng gabi nang mapabalikwas nang tawagin ito ng kapitbahay na si Popoy De Dios at sabihing tinatakas na ang motorsiklo nito na nakarapada sa gilid ng kanyang bahay.

“Nakita ko yung lalaki hila-hila yung motor ko, siguro mga 50 meters na ang layo eh” sabi ni Dichoso.

Nagsisigaw ang binata na nakatawag-pansin sa ibang naroroon kaya hinabol ng mga residente.

Napilitan bitawan ng suspek ang hawak na motorsiklo at kumaripas ng takbo ngunit nakorner siya ng taumbayan kaya nagulpi.