Abante Tonite Interactive

Karnaper, napahamak sa helmet

90

Matapos masita dahil walang suot na helmet, nadiskubre ng mga pulis na isa palang karnaper ang lalaking kanilang pinara sa “Oplan Sita,” kamakalawa ng umaga sa Valenzuela City.

Ayon kay P/ Sr. Inspector Jesus Mansibang, commander ng Police Community Precinct (PCP) 6, kinilala ang suspek na si Hector Domingo, 18, naninirahan sa No. 28 Geronimo Street, Santa Monica, Novaliches, Quezon City.

Kuwento ng police official, bandang alas 10:35 ng umaga nang magsasagawa sila ng “Oplan Sita” sa kahabaan ng Gen. T. De Leon, Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

“Pinara namin  yung suspek kasi walang suot na helmet, tapos hiningi naming ‘yung lisensiya at papeles ng motorsiklo pero walang maipakita, ani Capt. Mansibang.

 Dahil walang drivers license at wala ring naipakitang papeles si Domingo,  inutusan ng mga pulis ang isang traffic enforcer na dalhin sa Vehicle Traffic and Investigation Unit (VTIU) ang motor pati na ang suspek para maimbestigahan.

Makalipas ang ilang sandali lumutang sa PCP2 ang college student na si Jethro Alfonso at inereport na kinarnap ang kanyang motor sa harap ng kanilang bahay.

Bunga nito, pinasunod ni Capt. Mansibang ang estudyante sa traffic at nakilala nito na iyon ang motor niya na kinarnap ni Domingo.

Kinasuhan ng paglabag sa R.A. 10883 (New Anti-Carnapping Law of 2016) si Domingo.