Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kartada 6 ng 1Sambayan

0 131

Ipinasilip na mga tropapips ng koalisyon ng kontra-administrasyon na 1Sambayan ang kartada nila sa magiging laban sa 2022 presidential elections.

Pero kahit ipinakita na nila ang mga baraha kung sinu-sino ang posibleng maging pambato nila sa presidential at vice presidential race, hindi pa naman nila idinidiga ika nga ang kanilang taya.

Ang mga pinagpipilian ng 1Sambayan na itatapat sa magiging pambato ng administrasyon eh sina Vice President Leni Robredo, Senador Grace Poe, dating Sen. Antonio Trillanes IV, CIBAC Party-list Rep. Eddie Villanueva, Batangas Rep. Vilma Santos, at ang human rights lawyer na si Chel Diokno.

Nawala sa listahan sina Sen. Nancy Binay at Manila Mayor Isko Moreno, na naunang binanggit ng grupo na kasama sa kanilang pinagpipilian.

Nakiusap daw kasi ang dalawa na huwag silang isama. Pinaalis din ni Sen. Ping Lacson ang pangalan niya dahil sa naging isyu nila noon ni dating Supreme Court justice Antonio Carpio, na isa sa mga pinuno ng 1Sambayan, dahil sa Anti-Terrorism Act na isinulong noon ng senador.

Ang tanong ng kurimaw nating nangongolekta ng campaign baller, makaapekto kaya sa “arrive” bilang nagkakaisang oposisyon ang pagkawala sa listahan nina Lacson, Isko, at Binay?

Bahagi kasi sa kasunduan na ang mga kasama sa listahan ng 1Sambayan, kapag hindi napili bilang kandidatong pangulo at bise presidente, dapat pa rin nilang suportahan ang kandidatura ng “the chosen one.”

Sa ngayon, nagpasabi na sina Poe at Ate V, na wala silang planong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022.

Kung tutuusin, walang mawawala kay Poe kung tumakbo siyang presidente o bise presidente sa 2022. Kung matalo man kasi siya, babalik pa rin siyang senador dahil sa 2025 pa matatapos ang kaniyang termino.

Pero kung tatakbo man si Poe, posibleng mas bagay kung pangulo lalo na kung si Davao City Mayor Sara Duterte ang kaniyang makakalaban. Iyon nga lang, baka mahati ang boto niya kung tatakbo rin ang kaalyado niyang si Mayor Isko.

Kung bise presidente naman, baka makabanggaan niya ang kasangga niya sa Senado na si Senate President Tito Sotto, na nagdeklarang tatakbong bise presidente kung ang katambal niya bilang kandidatong pangulo eh si Lacson.

Si Ate V naman, for all season ang puwedeng takbuhan dahil puwede siyang tumakbong kongresista muli, o magbalik-gobernador ng Batanag, at kahit pa senador para palitan ang kaniyang mister na si Ralph Recto na matatapos na ang termino sa 2022.

Sa kartada ng 1Sambayan, sino nga kaya ang pinakamalakas na “baraha” na pangdiga oposisyon? Dahil VP na si Leni, natural na sa presidente na swak ang pangalan niya. Papayagan kaya si Trillanes na mag-VP ni Leni lalo na kung ang makakalaban niya sa posisyon eh si President Mayor Digong Duterte na inuudyukan na mag-VP sa 2022?

Baka baman itataya na ng 1Sambayan pati ang pato nila kay Trillanes bilang standard bearer nila at magbabakasakali sila sa tinatawag na “protest vote” ng mga ayaw talaga sa kasalukuyang administrasyon? Abangan natin mga tropapips ang susunod na kabanata. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.