Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kasabwat sa paihi modus inambus

0 118

Patay ang isang lalaking sangkot umano sa iligal na pagbebenta ng diesel o krudo matapos tambangan ng riding in tandem na mga suspek habang sakay ng kanyang kotse sa Lucena City, Linggo ng gabi.

Kinilala ang pinatay na si Ferdinand Gerbas Gallioso, 40-anyos, residente ng Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City.

Batay sa report ni P/SSg. Jeruel Siorez ng Lucena PNP, nagmamaneho ang biktima sa kanyang puting Mitsubishi Lancer na may plakang TJA 631 at tinatahak ang Eco-Tourism Road patungo sa direksiyon ng Batangas nang pagsapit sa Brgy. Ibabang Talim ay sunod-sunod na pinaputukan siya ng mga suspek.

Nasapol si Gallioso at nawalan ng kontrol sa sasakyan na nahulog sa palayan sa gilid ng highway.

Mabilis na tumakas ang mga suspek samantalang binawian kaagad ng buhay ang biktima.

Lumalabas sa imbestigasyon, batay na rin sa pahayag ng asawa nito, na sangkot ang biktima sa iligal na bentahan ng mga krudo na sinisipsip mula sa mga nakikipagsabwatan na mga truck driver na humihimpil sa kahabaan ng Eco-Tourism Road. (Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.