Abante Tonite Interactive

Kasal at maputik na daan

0 144

Dear Dream Catcher:

Nanaginip po ang bago kong boyfriend na ikakasal daw kami. Bago daw po ang araw ng kasal, nakita niya ang mga pinsan niya at nagkumustahan sila pero dahil hindi niya inimbitahan ang mga ito sa aming kasal dahil kaunti at bilang lang ang imbitado sa kasal. Hindi niya rin sinabi na ikakasal na siya. At sa araw ng kasal namin, malakas daw ang ulan at dahil probinsya ay maputik ang daan. Iyong oras daw ng kasal ay 10AM pero nakarating daw siya ay hapon na dahil sa maputik na daan. Kasama daw niya ang kanyang ama at ina. Nakita daw niya ako na hindi nakasuot ng gown kundi naka-casual na damit lamang. Nang tanungin daw niya ako, sinabi kong late na siya dumating kaya nakaalis na ang pari. Todo raw ang paliwanag niya kung bakit siya na-late pero ang sagot ko daw ay okey lang dahil puwede pa naman bukas. Ano po ang ibig sabihin ng ganitong panaginip?

Julie

Dalawang simbolismo ang nangibabaw sa pana­ginip ng iyong boyfriend: Ang paglalakad sa putikan at pagpapakasal.

Ang kasal ay karaniwang sumisimbolo sa bagong pagsisimula gayundin sa isang malaking pagbabago na mangyayari sa buhay.

Sa panaginip ng iyong boyfriend, umikot ito sa preparasyon niya sa inyong kasal pero nahuli nga siya ng dating dahil sa maputik na daan. Ang pagpapakasal ay karaniwang indikasyon na may gagawing importanteng desisyon sa aktuwal na buhay ang nanaginip. Sinabi mong bago pa lamang ang iyong relasyon, maaring ang panaginip tungkol sa kasal ay tumutukoy sa inyong bagong relasyon—isang pagbabago, isang pagsisimula.

Ang bahagi naman na late dumating sa inyong kasal ang iyong boyfriend ay maikokonek sa posibleng pagdada­lawang-isip at pagharap sa isang malaking pagdedesisyon na maaari namang walang kinalaman sa inyong relasyon kundi sa ibang aspeto ng buhay tulad sa career o bagong trabaho.

Ang ganitong panaginip ay puwedeng indikasyon na dumaraan sa isang pagkabalisa ang iyong boyfriend sa isang malaking pangyayaring kanyang kinakaharap. Puwede rin namang kahit bago pa lamang kayo ay nagseseryoso na siya at pinag-iisipan na niya kung hahantong sa pagpapakasal ang inyong relasyon.

Ang bahagi naman ng paglalakad sa putikan ay indikasyon na dumaraan sa mahirap na sitwasyon ang nanaginip. Ang putik ay kadalasang konektado sa hirap na pinagdaraanan. Ang pagdaan sa maputik na daan ay sumisimbolo rin sa obligasyon sa buhay. Kung ang pagpapakasal ay nasa plano na ng iyong boyfriend, ang maputik na daan naman ay sumisimbolo sa mga obligasyon na maaaring nakaatang sa kanyang balikat tulad ng obligasyon niya sa kanyang magulang o mga kapatid na maaaring makasagabal sa isang planong pagpapakasal.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.