Abante Tonite Interactive

Kasalan, kamatayan nagpainit sa showbiz ngayong 2017

By
1,030

PAGSISIMULA ng bagong buhay at kata­pusan ang na­ging laman ng dyaryo, TV, radio, social media at naging paksa sa showbiz ngayong 2017. Magkasalungat na sitwasyon, na isang masaya at isang malungkot.

Unahin na natin ang kasalan sa showbiz na waging-wagi rin ngayong 2017.

Maituturing na pinag-usapang kasalan sa showbiz sa taong ito ay ang kina Ai-Ai delas Alas-Gerald Sibayan, Anne Curtis-Erwan Heussaff at lalo na ang kina Vicki Belo-Hayden Kho.

Ang relasyon nina Ai-Ai at Gerald sa si­mula pa lang ay pinagdudahan na. Sabi nga nila, hindi magtatagal ang relasyon na ‘yan. Pero, heto nga, kasal na sila at napakasaya ng naganap na kasal nilang dalawa.

Ganun din naman ang sitwasyon nina Vicki at Hayden na pinagdudahan noon dahil sa isyu ng pera at sa agwat ng edad nila. Pero, pinatunayan nila na love prevails. At sobrang naging topic din ang kasal nila, dahil sa milyones na ginastos nila.

Sina Anne at Erwan naman, kahit na sabihin pang matagal na silang magka-live in, na-excite pa rin ang fans nu’ng ikasal sila. Kakaiba nga ang kasal nila, dahil sa New Zealand ‘yon ginawa.

Maraming nagbabalak magpakasal sa 2018 ang nag-iisip sa kung ano naman ang magiging gimik nila, at sa kung anong bansa sila magpapakasal.

Kung may bagong buhay, may mga buhay na nagwakas naman ngayong 2017.

Nalungkot at nagluksa ang showbiz sa biglaang pagkamatay nina Isabel Granada at Hashtag Franco Hernandez.

Si Isabel na dating miyembro ng That’s Entertainment ay big­la na lang bumagsak sa isang event sa Qatar, na-ICU at namatay rin.

Si Franco naman na isa sa miyembro ng Hashtags ay nalunod naman habang papauwi galing sa bakasyon sa isang isla sa Davao.

Dahil din sa sakit na aneurysm ni Isabel, na­ging trending topic ang sakit na ito.