Abante Tonite Interactive

Kasambahay na nakilala sa FB nangulimbat ng ₱.5M alahas

184

Arestado ang isang 41-anyos na kasambahay na nakilala lamang sa Facebook nang tangayan nito ng halos P.5 milyong halaga ng mga alahas ang kanyang amo sa Bacoor City, Cavite.

Kasong Qualified Theft ang kinakaharap ngayon ng suspek na si Nelita Mercado Casas alyas ‘Neca’, may asawa, ng Pinagkaisa, Brgy. Commonwealth, Quezon City at stay-in sa bahay ng among si May Corazon Sacdalan, 41, ng Brgy. Mambog 3, Bacoor, Cavite.

Sa ulat ni PSSgt. Alih Rimbang ng Bacoor City Police Station, alas-12:10 kahapon nang hatinggabi nang bitbitin ang suspek matapos madiskubreng umabot na sa P328,000 ang halaga ng alahas na kanyang natatangay mula sa among si May.

Nauna rito, alas-6:30 kamakalawa nang gabi nang naisipan ng biktima na i-check ang kanyang jewelry box at laking gulat nito nang madiskubreng marami na ang nawawala.

Dahil dito, kinompronta ng biktima ang dalawa niyang katulong kung saan nakuha sa suspek ang isang pares ng hikaw na nagkakahalagang P25,000 at gold loop earrings na nagkakahalgang P5,000.

Narekober din sa suspek ang ilang papel de ahensiya ng mga alahas na kanyang naisangla.

Ayon kay Rimbang, apat na buwan pa lamang naninilbihan bilang katulong ang suspek na ni-refer umano ng kanilang driver.

“Nakilala lamang ng kanilang driver ang suspek sa pamamagitan ng Facebook,” ayon kay Rimbang. (Gene Adsuara)